KAPANALIG, nasanay na tayo na base sa taun-taong datos, ang pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa ay ang pagkakaroon ng sakit. Ngayong tumataas ang death rate sa Pilipinas dahil sa drug war ng kasalukuyang administrasyon, magbabago ba ang listahan na ito?

Base sa opisyal na datos noong 2013, umabot sa 1,458 katao ang namatay kada araw dahil sa iba’t ibang karamdaman.

Anim sa sampung namatay ay mula sa Luzon. Kadalasan, ang lalake ang unang namamatay, kapanalig, kaysa babae, maliban na lamang pagtuntong sa edad na 75, na mas marami na ang babaeng namamatay dahil sa katandaan.

Sinasabi rin ng mga opisyal na datos na heart attack, stroke at cancer ang pangunahing dahilan ng pagkamatay sa ating bansa. Habang nagiging modernisado naman ang ating lipunan, ang aksidente sa mga sasakyan ay umangat na rin.

Tingnan natin ang mga datos: Kada araw, 276 na Pilipino ang namamatay dahil sa heart attack. Kada minuto, may isang Pilipino naman ang namamatay sa stroke. Pagdating naman sa cancer, tinatayang siyam na Pilipino ang nada-diagnose na may cancer kada araw. Sa kabuuan, ang top ten causes of death sa ating bansa, base sa 2014 datos ng World Health Organization (WHO) ay kadalasang mga sakit. Ika-11 ang karahasan. Ngayong maigting ang kampanya kontra droga at tumataas ang death rate dahil dito, papasok na ba sa top ten leading causes of death ang drug-related killings?

Tinatayang nasa sampung tao na umano’y sangkot sa ilegal droga ang namamatay kada araw simula nang pumasok ang bagong administrasyon. Kung ang datos na ito ang pagbabasehan, sa ika-50 araw ng bagong pamahalaan, 500 na ang namamatay sa ngalan ng droga. Ito ay konserbatibong pagtataya.

Ang mga nasa top ten causes of death ng kahit anumang bansa ay mga areas of priority and concern ng health sector.

Maraming pagsasaliksik, maraming mga programa ang inilulunsad upang mabawasan ang kamatayan mula sa mga ito, kahit pa sabihin man ng ilan na cancer na ‘yan, wala nang pag-asang gumaling ‘yan, o sakit sa puso ‘yan, kasalanan din niya ‘yan. Sa droga, kung saan maraming public controls maliban sa shoot-to-kill ang magagawa, tila ninais pa ng marami na tumaas ang bilang ng namamatay kaysa makita ang mga big fish at ugat ng problema na ito.

Masalimuot na usapin ang isyung ito, ngunit kailangan itong pagdiskusyunan ng ating lipunan upang lumabas ang tama at nararapat na pag-aksiyon. Ang nakakatakot dito ay ang masanay tayo na lagi na lamang may mga bangkay na tumatambad sa ating pang-umagang balita kada araw. Ang buhay ng tao ay mahalaga, kaya nga lahat tayo, sa pagbubuntis pa lamang hanggang sa katandaan, ay humahanap ng paraan upang pangalagaan at payabungin.

Ang Evangelium Vitae, bahagi ng ating panlipunang turo ng Simbahan, ay may angkop na gabay sa ating panahon at sitwasyon ngayon: “This moral uncertainty can in some way be explained by the gravity of today’s social problems, sometimes mitigating the responsibility of individuals, but it is no less true that we are confronted by a true structure of sin, which takes the form of a ‘culture of death’. This culture denies solidarity and is fostered by currents that encourage a society that is excessively concerned with efficiency. It is in a certain sense a war of the powerful against the poor.” (Fr. Anton Pascual)