Nanindigan si Senator Leila De Lima na walang katotohanan ang mga ebidensyang hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya at katunayan handa umano siyang mag-resign bilang Senador at magpabaril sa harap ng Presidente kung totoo ito.

“I am willing to resign and be shot in front of the President, I stand by my innocence. I can face them anytime,” ani De Lima sa pulong-balitaan kahapon.

Pinayuhan pa ni De Lima si Pangulong Duterte na suriin ang mga hawak na ebidensya at pag-aralan at baka napaikot lamang umano siya ng kung sinong tao.

“Alam mo mahal na Pangulo, kung ipipilit mo iyan na ako ay drug protector, mapapahiya kayo, kung sakali man na may ebidensya tungkol diyan, sinasabi ko sa iyo ang…peke, bogus iyan. I’m telling you, ayaw ko na ikaw mismo ay mapahiya. Suriin niyo po ng husto kung may hawak kang ebidensya,“ ani De Lima.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Inamin din ni De Lima na dati niyang drayber/bodyguard si Ronnie Dayan, noong nasa private practice pa siya hanggang sa maging Kalihim ng Department of Justice (DoJ) kung saan nag-resign daw ito noong 2015.

Tumanggi naman itong sagutin kung may ibang relasyon siya kay Dayan, dahil ayaw niya daw malihis ang tunay na isyu.

“Napalapit po siya sa akin pero kung gaano napalapit, I don’t want to touch on that, dahil personal na bagay po ‘yan,” ani De Lima.

Aniya, huli niyang nakausap si Dayan ilang linggo na ang nakakaraaan nang humingi ito ng tulong sa kanya dahil may mga naghahanap na tao at nakatanggap din daw ito ng impormasyon na dudukutin siya at gagamiting testigo laban sa Senadora.

“Hindi na siya nakakauwi sa kanilang lugar dahil may mga nagha-hunting sa kanya. May mga kakilalang pulis na nagsabi sa kanya na papalabasin na mayroon kang mga armas o dudukutin ka dahil balak kang gawing state witness sa dati mong boss. Nagtatago po siya hanggang ngayon pero may nagpahatid po sa akin na talagang delikado po siya ngayon. Sobra ang pangamba at walang makain,” dagdag pa ni De Lima.