NAGING prominenteng usapin ang labor contractualization sa kampanya noong huling eleksiyon kaya naman inirekomenda ng lahat ng kandidato sa pagkapangulo ang pagbuwag—o muling pag-aaral rito upang maging makatwiran para sa mga manggagawa.
Nagbabala ang kalihim ng kagawaran ng paggawa ng mga panahong iyon, si Rosalinda Baldoz, sinabing milyun-milyong manggagawa ang nanganganib na mawalan ng trabaho kung bubuwagin ng susunod na presidente ng bansa ang lahat ng uri ng contractual employment. May mga ginagawang paraan ang ilang kumpanya upang makalusot sa mga batas ng paggawa, aniya, ngunit marami namang lehitimong paraan ng independent subcontracting, gaya ng para sa mga overseas Filipino worker.
Ang Labor Code of the Philippines na pinagtibay noong 1974 ay nagdedetalye sa mga karapatan at mga prebilehiyo ng mga Pilipinong manggagawa, kabilang ang trabahong contractual. Dalawampung beses itong inamyendahan ng mga presidential decree, siyam na executive order, apat na batas na ipinasa sa Batasang Pambansa, at 13 Republic Act na inaprubahan ng Kongreso. Saklaw ng Article 1096 ng Labor Code ang sistema ng contractual employment at maraming uri nito, kabilang ang outsourcing, subcontracting, casualization, fixed-term contracting, paggamit ng mga labor agency at pansamantalang pag-eempleyo.
Mistulang ang contractual employment ang nag-iisang praktikal na sistema sa maraming larangan, gaya ng pagtatrabaho sa ibang bansa, ng pagkakakitaang may panahon tulad ng pag-aani ng bigas at bultu-bultong bentahan kapag Pasko, at ng patuloy na umaalagwang industriya ng Business Process Outsourcing sa Pilipinas.
Mayroon na ngayong mga hakbangin upang amyendahan ang batas at matanggal ang mga pasaway na probisyon na nagpapahintulot sa mga nabanggit na pag-abuso upang limitahan sa limang buwan ang mga kontrata ng manggagawa at maiwasang maregular ang mga ito matapos ang anim na buwang probationary employment. Reklamo ng mga manggagawa, dahil sa kawalan ng seguridad sa empleyo ay hindi nila magawang buhayin nang maayos ang kani-kanilang pamilya at pag-aralin ang kani-kanilang mga anak.
Kasabay nito, kailangan ding ikonsidera ng mga employer ang pagiging produktibo at mahusay ng kanilang mga manggagawa. Ang mga empleyadong epektibo sa simula ay maaaring hindi na kasing produktibo makalipas ang dalawa hanggang tatlong taon, nagpapakita na ng katamaran dahil secured na sa kumpanya. Hindi na sila nagsisipag at mistulang naghihintay na lamang ng araw ng suweldo. Hangad ng pangasiwaan ng mga kumpanya na maiwasto ito, at kapag tunay na kailangan na ay aalisin na, alinsunod sa mga batas ng paggawa. Natuklasan ng sektor ng pangasiwaan na kadalasang nakatuon sa manggagawa at minsan ay wala sa lugar ang pagpapatupad sa mga batas na ito.
Kasabay nito, ang anumang hakbangin upang amyendahan ang batas sa kapakinabangan ng mga manggagawa ay dapat na maging patas din para sa mga may-ari ng kumpanya na kailangang mapanatiling nakaaagapay at kumikita ang establisimyento. Ang benepisyong ipagkakaloob sa mga empleyado ay dapat na balanse sa pagkakaroon ng katumbas na pakinabang para sa mga employer, gaya ng pinadaling mga batas sa pagha-hire at pagtatanggal ng empleyado. Laging mangangailangan ng mga tauhan ang mga employer at lagi ring mangangailangan ng hanapbuhay ang mga manggagawa. Dapat lang na may masayang balanse sa pagitan ng mga ito. Ang hindi patas na pagpabor sa sitwasyon ng isa ay tiyak na makaaapekto sa pagiging balanse.
Ang puwersa ng merkado ay dapat na ituring na isa sa mga nagsusulong ng pag-amyenda sa batas. Kapag ninais ng isang manggagawa na umalis sa kanyang pinaglilingkuran para sa mas magandang oportunidad sa ibang kumpanya, dapat na maging madali lang ito para sa kanya. Gayundin naman, kapag ang isang kawani ay hindi na maayos na nagtatrabaho gaya ng dati, dapat na madali rin para sa employer na alisin siya. Dapat na patas ang pakinabang. Laging hinahangad ang serbisyo ng isang mahusay na empleyado; hayaan ang mga employer na himukin sila upang manatili. Gayundin, marapat na hikayatin ng mga manggagawa ang kani-kanilang employer na panatilihin sila sa kumpanya, sa pamamagitan ng pagpupursige pa sa kanilang trabaho.
Kapag sinimulan na ng gobyerno—ang Kongreso at Ehekutibo—na tutukan ang usapin sa contractualization, dapat na ikonsidera nila ang mga isyung ito para sa mga manggagawa at kumpanya upang magkaroon sila ng isang batas sa paggawa na patas at makatwiran para sa lahat ng panig habang itinataguyod ang pambansang interes.