SINASABING ang mga lugar na sakop ng mga bayan sa lalawigan ng Rizal ay nagsimula pa sa panahon ng mga Kastila.

Itinatatag na rin noon ang lalawigan ng Tondo at La Laguna na sakop ang mga bayan sa Rizal. At noong 1853, ang bayan ng Antipolo (lungsod na ngayon), Bosoboso, Cainta, at Taytay ay inihiwalay sa lalawigan ng Tondo. Ang Morong, Baras, Tanay, Pililla, Angono, Binangonan at Jalajala ay inihiwalay sa La Laguna. Ginawa itong isang political subdivision at nakilala sa tawag na Distrito Politico Militar de los Montes de San Mateo. Pagsapit ng 1857 ay nabago ang pangalan at tinawag na Distrito Politico Militar de Morong (Morong District).

Ang Morong District ay pinalitan ng Rizal noong Hunyo 11, 1901 sa pamamagitan ng Act No. 137 ng First Philippine Commission. Ang pangalang RIZAL ay sa mungkahi ni Dr. Trinidad Pardo de Tavera, isang makabayan at iskolar na kaibigan nina Dr. Jose Rizal, Don Juan Sumulong, at Epifanio de los Santos. Ang unang governor ay si Ambrosio Flores.

Binubuo ng 26 na bayan ang Rizal at isa na rito ang Angono. Ngunit inagaw ang 12 maunlad na bayan ng Rizal noong Nobyembre 7, 1975 sa pamamagitan ng Presidential Decree ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos. Isinama ang inagaw na 12 bayan sa Rizal sa Metro Manila upang magkaroon ng sariling kapangyarihan bilang governor si Imelda Romualdez Marcos.

Ayon kay Giovanni Cecarari, isang manlalakbay na Italyano na nakarating sa ating bansa noong 1696, natuklasan niya na ang mga unang Tagalog na naninirahan sa baybay dagat at ilog ay sumasamba sa punong BALITE. Naglibot siya sa mga pook na nasa palibot ng BA-I na ngayon ay tinatawag na Laguna de Bay o Lawa ng Laguna. Pinag-aralang mabuti ang mga naninirahan sa tabi ng ilog at lawa.

Natuklasan ni Giovanni Cecarari na iniingatan na masugatan o maputol ang anuman bahagi ng puno ng BALITE. Naniniwala sila na ang mga kaluluwa ay naninirahan sa puno ng BALITE. At higit sa lahat, ANG NUNO na isang matandang lalake na ang paniniwala ng mga nakatatanda ay isa sa 10 datu ng NIAS na naiwan sa bukana ng Ilog Pasig sa Laguna de Bay na kung tawagin ay PAROLA. Ang NUNO ay nalalapitan ng mga tao at sa kanya sinasabi ang problema sa bayan na hindi kayang bigyan ng solusyon.

Sinasabi naman ng ilan na nakaaalam sa pinagmulan ng pangalan ng ANGONO ay sa salitang ANG NUNO na ang ibig sabihin ay grand old man. Ayon naman sa mga kuwentong nagpasalin-salin, ang ANGONO ay nagmula sa salitang ANGGO na amoy na panis na gatas ng baka.

Ayon naman kay Padre Chirino, isang paring misyonero, ang ANGONO ay isinama at naging isang barangay sa Binangonan upang ang mga mamamayan dito ay magbayad ng buwis at matulungan ang mga misyonero. Ang ginawang patron saint ay si San Clemente, ang ikaapat na Papa sa Roma na ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-23 ng Nobyembre. Taong 1753, nagkaroon ng chaplain ang Visita de Angono. Hindi nagtagal, nabigyan ng lisensiya mula sa Superior Gobierno upang bumuo ng isang malayang bayan. Naging daan na iyon upang ang ANGONO ay mahiwalay sa Binangonan. Naging isang bayan noong 1766. (Clemen Bautista)