NAINTERBYU namin bago nagsimula ang solo presscon ni Aga Muhlach para sa pagbabalik niya sa ABS-CBN at bilang ikaapat na hurado sa upcoming reality show na Pinoy Boyband Superstar ang business unit head ng programa na si Lui Andrada.

Paano nila napapayag bumalik sa limelight si Aga gayong tila ini-enjoy na nito ang domestic life?

“Siguro nagkasabay lang ‘yung time na ready na siya at saka siguro kaya niya nagustuhan kasi giving back, eh. ‘Di ba, after ng lahat naman ng naging Aga siya, ‘di ba? Nagsimula naman siya rito sa ABS at saka naisip niyang bago ang programa at magandang entry ito ulit, kasi tumutulong ka sa mga nangangarap, bago.

“Feeling ko na-excite siya nang i-present namin ito sa kanya dahil another facet ito sa kanya, kasi dati heartthrob, award-winning actor to a leading man, to a comedian. So ngayon naman judge siya, so iba naman,” kuwento ni Lui.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Natagalan ba ang negosasyon niya kina Aga at Manay Ethel Ramos (manager ng aktor) bago tinanggap ang offer?

“Actually, nag-start nu’ng nagbi-brainstorming kami na parang may kulang sa casting, walang lalaki na heartthrob.

Kasi ganu’n ‘yung hinahanap mo (na aspirants), eh, so dapat siya ‘yung epitome na hinahanap.

“Nagkataon naman na nagkita kami sa Hong Kong, nakasabay ko sila ni Charlene (Gonzales), so sabi ko, ‘ay, puwede si Aga kasi ‘yun ‘yung hinahanap, epitome of a heartthrob’. ‘Tapos nu’ng na-pitch, in-approve naman ng management, so ‘yun na ‘yun.

“’Tapos mabilis lang in fairness, siguro isang buwan lang ‘yung pag-uusap,” pahayag ng TV executive.

Binanggit namin na may ‘bitin’ effect ang pagkakabanggit kay Aga bilang ikaapat na hurado ng Pinoy Boyband Superstar dahil naunang nalaman ng publiko na sina Vice Ganda, Yeng Constantino at Sandara Park ang bubuo ng panel. Biglang may Aga Muhlach pa pala.

“Oo nga, well hindi naman kasi sinasadya ‘yun because it was supposed to be presentation for the trade launch, parang in-intro lang for advertisers. Eh, may nakapag-video ata nu’ng AVP (audio visual presentation), kaya nag-leak.

“Eh, siyempre ‘pag ganu’n, wala ka namang magagawa na at hindi mo naman puwedeng i-deny ‘yun,” katwiran ni Lui.

May kanya-kanyang karapatan ang mga hurado, tulad ni Vice na isang performer, si Sandara ay miyembro ng sikat na Kpop band at si Yeng singer/songwriter, kaya mga ganitog katangian din daw ang hinahanap para sa Pinoy Boyband Superstar.

Dagdag ni Lui, “Saka si Aga that time parang naging member din ng boys group, Bagets. Plus may anak pang same age with the contestants.”

Magsisimula na ang taping ng bagong programa sa susunod na linggo.

“Marami nang nag-audition at exciting ang mga contestant, may mga guwapo at magagaling at may magaganda ang kuwento.

May mga galing sa ibang bansa at Pinoy, basta may dugong Pinoy.

“Exciting kasi hindi lang basta kakanta ka sa harap ng judges, bago ka makaharap sa judges, may pagdadaanan ka.

Parang may girls sa audience na boboto based on the personality of the contestant. ‘Pag naka-75% of the votes ay saka pa lang sila (contestants) papasok sa judges, saka pa lang sila makakakanta,” paliwanag ni Lui sa magiging mechanics ng show.

Sabi namin, parang mahirap kasi paano kung magagaling naman pero mukhang hindi mababango at maayos ang itsura, tiyak na hindi na papasa sa audience.

“Ang misconception kasi, when you say band, akala nila, the Rivermaya band, Eraserheads. When you say boy band, meaning the Menudo, One Direction, Backstreet Boys, mga ganu’n ang hinahanap namin, so it’s really a total package, itsura, personality,” paliwanag ng bossing ng programa.

Sa Muntilupa Sports Complex ang taping ng Pinoy Boyband Superstar dahil kailangan nila ng malaking venue para i-set up ang entablado ng programa.

“Kasi sa sobrang laki nu’ng set, hindi kasya sa mga studio dito sa ABS, inupahan namin ‘yung isang buong sports complex, trinansform namin. At walang tanggalan dahil dire-diretso ang taping at mura lang kasi halos aircon lang pinabayaran sa amin at bagong gawa pa ‘yung stadium.

“Kaya nagpatong muna kami ng mga plywood at rubbermatic para hindi magasgasan kasi bagung-bago ‘yung floor nila, nakakahiyang tapakan, makintab pa,” kuwento ni Lui.

Walang binanggit na petsa pero sa Setyembre na ang airing ng Pinoy Boyband Superstar, basta’t pagkatapos daw ng The Voice Kids 3. (REGGEE BONOAN)