Inaprubahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagpapalabas ng Governing Board ng Philippine Overseas Employment Administration sa Resolution No. 13, Series of 2016, na naglalayong bumuo ng universal identification system para sa mga Pinoy seaman.
Sa ilalim ng resolusyon, makikipag-ugnayan ang POEA sa Maritime Industry Authority (MARINA) upang magbuo ng online registration system para sa mga Pinoy seaman simula sa Setyembre 15, 2016.
Pinagtibay ng International Labor Organization (ILO) ang Convention 185 o Seafarer’s Identity Document Convention (SID), na nagtataglay ng modernong security feature sa ID ng mga seaman na kinikilala ng lahat ng kasaping bansa nito, kabilang na ang Pilipinas. (Mina Navarro)