ALEPPO, Syria (AFP) – Isang larawan ng bata na tulalang nakaupo sa ambulansiya at puno ng dugo at alikabok matapos ang air strike, ang naging simbolo ng pagdurusa ng mga sibilyan sa Aleppo, at pumukaw ng atensiyon ng mundo noong Huwebes.
Kumalat sa buong mundo ang bangungot na imahe ng apat na taong gulang na si Omran, na tuliro at duguang nakaupo sa ambulansiya, tulad ng litrato ng tatlong taon-gulang na si Aylan Kurdi na ang bangkay ay tinangay ng alon sa dalampasigan ng Turkey noong nakaraang taon.
Si Omran ay nahila sa ilalim ng mga guho matapos ang air raid noong Miyerkules sa distritong hawak ng mga rebelde sa Qaterji sa timog silangan ng Aleppo, na winasak ng limang taon nang digmaan.
“I’ve taken a lot of pictures of children killed or wounded in the strikes that rain down daily,” sabi ng photographer na si Mahmoud Rslan na kumuha sa imahe.
“Usually they are either unconscious or crying. But Omran was there, speechless, staring blankly, as if he did not quite understand what had happened to him,” aniya sa AFP sa pamamagitan ng telepono.
Madalas na targetin ng mga air strike ang mga pamayanang hawak ng oposisyon sa lungsod.
Sa Geneva, pinutol ni UN envoy Staffan de Mistura ang weekly meeting ng humanitarian taskforce na pinamumunuan ng United States at Russia, bilang protesta sa kabiguan ng magkalabang partido na pahintulutang makarating ang tulong para sa mga sibilyan.
Sinabi ni Russian defence ministry spokesman Igor Konashenkov kalaunan na nakahanda ang Moscow na magpatupad ng unang “48-hour humanitarian pause” para maihatid ang humanitarian aid sa mga residente ng Aleppo sa susunod na linggo.
Mahigit 290,000 katao na ang namatay at milyun-milyon ang lumikas simula nang sumiklab ang digmaan sa Syria noong 2011 sa brutal na pagsupil sa mga kumakalaban sa pamahalaan ni President Bashar al-Assad. Kasabay nito ay kapwa din nilalabanan ng oposisyon at ng gobyerno ang grupong Islamic State jihadist.