“ITO ang isang Senador na nagrereklamo,” wika ni Pangulong Digong. Isang araw daw ay sasabihin niya na ang driver nito, na kanya umanong karelasyon, ay nangolekta ng pera para sa kanyang kampanya. Ang pera aniya ay galing sa ilegal na droga sa Muntinlupa. Si Senador Leila De Lima raw ang kanyang tinutukoy. Ang Senador ay dating Secretary of Justice na ang kanyang departamento ay namamahala sa lahat ng piitan kasama rito iyong nasa Muntinlupa.

Sumasama ang nagiging kilos at asal ni Pangulong Digong. Nagiging personal na siya sa mga sumasalungat sa kanya.

Sukat ba naman banggitin pa niya na “lover” ni De Lima ang kanyang driver. Napakadali namang sabihin na ang driver ng Senador ay nangolekta ng drug money sa Muntilupa na ginamit niya sa kanyang kampanya. Paggalang lang ito sa kapwa niya na nasa gobyerno na gumaganap din ng kanyang sariling tungkulin sa bayan. Paggalang din sa taumbayan na nagkaloob sa kanya ng tangan niyang posisyon. Bilang pinuno ng bansa, dapat ay kinakikitaan siya ng magandang ehemplo.

Ikinagalit ng Pangulo ang pagtataguyod ng Senador sa karapatang pantao na siyang nais nitong busisiin kung ito ay nilabag sa mga nagaganap na mga extrajudicial killing sa pamamagitan ng imbestigasyon gagawin ng kanyang Senate Committee on Justice and Human Rights. Ang akala ng Pangulo ay ibinibintang sa mga pulis ang lahat ng uri ng pagpatay. Hindi kaya maliliwanagan ito sa imbestigasyon magaganap at hindi sa pagbatikos sa Senador lalo na sa kanyang pribadong buhay dahil lang sa pagpupursige nito sa nasabing imbestigasyon?

Ganito ang demokrasya na hinati sa tatlo ang departamento ng gobyerno: ang ehekutibo na pinamumunuan ng Pangulo, ang lehislatura, na kinabibilangan ng Senador at ang hudikatura, ni Chief Justice Sereno. Kapangyarihan ng Pangulo ang maglunsad ng operasyon laban sa krimen at droga, pero kapangyarihan din ng Senador na mag-imbestiga kung ang inilunsad na operasyon ay naaayon sa batas lalo na kung nagreresulta ito ng pagpatay. O kaya, dahil nga sa mga pagpatay na nagaganap, alamin kung kailangan pa ang tamang batas na gagabay sa mga maglulunsad ng operasyon. Ang layunin ng separation of powers ay hindi para iwasan ang pagbubungguan ng mga departamento ng gobyerno kundi sa pamamagitan ng pagbubungguang ito ay masagip ang taumbayan sa diktadurya. Labag sa prinsipyong ito ang ilahad mo ang mga bagay na personal sa sumasalungat sa iyo upang mapatahimik mo. Higit na mahalaga ay ang labanan ng magkakasalungat na ideya upang magabayan ang taumbayan sa tamang desisyon. (Ric Valmonte)