ANG Araw ni St. Stephen, na kilala rin bilang National Day at Day of the New Bread, ay ipinagdiriwang sa Hungary tuwing Agosto 20 ng bawat taon. Ito ang pinakamahalagang pagdiriwang ng Hungary, ginugunita nito ang una nitong itinalagang hari, si Stephen I, na pinag-isa ang bansa sa ilalim ng Kristiyanismo noong AD 1000 at ipinagtanggol ito laban sa mga dayuhang mananakop.

Inilatag ni St. Stephen (Istvan sa Hungarian) ang pundasyon ng Hungary sa pamamagitan ng pagpapalit ng pananampalataya ng mga nomad at paganong Magyar na mga tao sa Kristiyanismo para mapatibay ang pagiging isang bansa.

Sinikap niyang maging isang malakas na estado ang Hungary at tinulungan ang kanluraning bahagi ng Europe noong panahon ng medieval ages. Natanggap niya ang korona mula kay Pope Sylvester II, at naging unang hari ng Hungary noong Agosto 17, 1001, pinamunuan ang kanyang bansa hanggang sa kanyang kamatayan noong Agosto 15, 1038.

Sa kanyang pamumuno, nagtayo siya ng mga simbahan at kinausap ang mga Katolikong pari para ipakalat ang Magandang Balita. Itinatag niya ang kahariang Kristiyano mula sa mga tribong Hungarian at pinagtibay ang simbahan sa Hungary.

Pinalitan niya ang mga paganong patakaran ng bago, pinaigting ang mga batas, at inorganisa ang bansa sa pamamagitan ng mga administratibong patakaran.

Kinilala ng Simbahan ang kanyang mga religious work ng mga simbahan, at ginawa siyang santo ni Pope Gregory VII noong Agosto 20, 1083 para maging patron ng Hungary.

Noong 1771, idineklera ni Empress Maria Theresia ang araw bilang isang opisyal na estado at church holiday. Noong 1945, ipinagbawal ng mga lider ng Komunista ang kahit anong relihiyosong seremonya, at noong 1950 binago ito sa Consititution Day. Ito ay muling tinawag ng Hungarian Parliament bilang St. Stephen Day noong 1990.

Ipinagdiriwang ang kanyang araw sa pamamagitan ng mga konsiyerto, misa, parada, at fireworks sa River Danube.

Pinararangalan nito ang matapat na “Holy Right Hand”—na ginagawang sagrado ng mga Hungarian na Katoliko—at ang pagbabalik nito sa mga Hungarian.

Ang relic, na nakatago sa isang ornate golden reliquary sa Basilica of St. Stephen, ay bitbit sa prusisyon sa buong lansangan ng Budapest. Sinasabi ng alamat na ang kanang kamay ng santo ay hindi pa rin naaagnas; tinanggal na ito sa kanyang katawan at ngayo’y kinikilala at binibigyang respeto ng mga manlalakbay at mga deboto.

May dalawang pinakamahahalagang yaman ng Hungary ay may kaugnayan kay St. Stephen—ang kanyang malinis at tapat na kanang kamay at ang kanyang banal na korona na iningatan sa loob ng maraming siglo at naprotektahan sa loob ng 1,011 taon; ito ay naka-display sa Budapest Parliament at binabantayan ng magigiting na guwardiya mula umaga hanggang gabi.

Ang unang tinapay mula sa bagong ani ay inihuhurno sa araw na ito. May cake-cutting ceremony, at tradisyon na ngayon ang pagpili ng opisyal na cake, tinatawag na “Cake of the Country, para sa Hungary tuwing Agosto 20.

Simula 2007, ang pinakamasarap na recipe ang pinipili ng mga hurado na binubuo ng mga eksperto sa confectionary.

Puwedeng mabigyan ng isang hiwa ng cake ang kahit sino sa pagbisita sa “Street of Hungarian Flavors” sa Danube embankment.