HONOLULU (AP) – Natuklasan sa mga pagsusuri ng U.S. Food and Drug Administration (FDA) ang hepatitis A sa mga scallop na nagmula sa Pilipinas, na tinukoy na posibleng pinagmulan ng outbreak ng virus sa Hawaii.
Inihayag ng Hawaii Department of Health noong Huwebes ang mga resulta ng laboratory test ng FDA sa frozen Sea Port Bay Scallops. Ang mga ito ay produkto ng De Oro Resources Inc. Wala pang reaksiyon ang main office ng kumpanya sa Pilipinas tungkol dito.
Ang mga scallop ay inangkat ng Sea Port Products Corp. sa Washington. Isang empleyado ang nag-refer ng mga katanungan para sa komento sa spokeswoman, na wala pang tugon hanggang ngayon.
Ipinagbawal na ang produkto sa buong Hawaii.
Tinukoy ng mga opisyal ng kalusugan noong Lunes ang mga frozen scallop na hilaw na inihahain sa isang sushi chain na posibleng pinagmulan ng outbreak. Iniutos nila ang pagsasara ng mga sangay ng Genki Sushi restaurant sa Oahu at Kauai.
Mahigit 200 katao na ang nagkasakit.