NAPAPANAHON ang programang tulad ng Pinoy Big Brother dahil puno ito ng values at magagandang aral.
Ilan sa mga naipapamalas sa halos sampung araw na pamamalagi ng teens sa Bahay ni Kuya ang value ng teamwork nang mapagtagumpayan nila ang kanilang unang lucky task; pananampalataya sa kanilang pagdarasal bago kumain; at selflessness sa lagi nilang pag-una sa ikabubuti ng nakararami o ng iba.
Bagamat usung-uso ang social media ngayon, telebisyon pa rin ang pinakaimpluwensiyal sa publiko lalo na sa kabataan.
May values din naman ang ibang programa tulad ng mga teleserye pero iba rin ang epekto ng panonood sa mga totoong tao na sumasalamin sa pinagdaraanan sa buhay ng tao.
Isang halimbawa si Maymay na sa kabila ng kawalan ng ama ay nanatiling masayahin. Kung ikaw ay isang dalagitang ganoon din ang pinagdaraanan, maaaring magsilbing inspirasyon sa iyo si Maymay, at kakayanin mo ring bumangon at maging masaya uli.
Ganoon din si Heaven na lubos ang pagmamahal sa ina. Kung ikaw ay teenager na may gap sa magulang, maaring magsilbing ehemplo si Heaven sa iyo para mas maging malapit din sa iyong magulang.
Maganda rin ang kinakatawan ni Rita na miyembro ng indigenous group. Nakakatuwang isa siya sa napili para maging housemate dahil tiyak marami siyang matututuhan at marami rin siyang maibabahagi lalo na sa kultura ng mga Badjao.
Ngayon pa lang ay nakikita na ng marami na walang ipinagkaiba si Rita sa ibang teenagers. Maayos siyang pinapakitunguhan ng mga kasama at nagagawa rin niyang makihalubilo sa kanila. Siya ang bunso sa grupo kaya alagang-alaga siya ng kanyang mga ate at kuya.
Bukod dito, kapupulutan din ng aral si Kuya. Para siyang ama na dumidisiplina sa kanyang mga anak kapag may pagkakamali. Noong nakaraang linggo, pinangaralan ni Kuya si Christian na lalo pang matutong magpasensiya lalo ng tuwing siya ang napipili para maging lider.
Kapuri-puri rin ang tasks na humihimok sa housemates para mas mailabas ang itinatagong galing at para mas masubukan ang tibay ng karakter. Sa huli, big winners silang lahat na lalabas ng bahay dahil mas matatag at mas kaya nilang harapin ang buhay sa mga bagong natuklasan sa sarili.
Hindi kataka-taka na marami ang nakaka-relate sa PBB ngayong season. Katunayan ang double-digit ratings ng show nationwide at ang pagiging trending topic nito gabi-gabi.