ILANG taon na ang nakalilipas, nagsilbi akong chaplain sa isang grupo ng pilgrims sa Holy Land. Ilan sa mga destinasyong aming binisita ay ang puntod ni Haring David sa Jerusalem.

Inilibot kami ng Jewish lady guide sa dambana ni David at ipinaliwanag ang kahalagahan ng sagradong lugar.

Tinanong ko ang babae: “Ma’am, eh, ang Panginoong Hesukristo? Ano ang masasabi mo sa Kanya?” Tiningnan ako nang masama ng babae at galit na sinabing, “Si Hesukristo ay isang impostor. Hinati-hati niya ang mga bansa; wala siyang kahalagahan sa buhay natin.”

Sa sobrang sama ng loob ko, marahan akong humiwalay sa grupo—natatakot ako na baka may malibing pang isa sa dambana!

Kahit na may ilang Jews na kinikilala si Hesus bilang Messiah, gaya ng “Jews for Jesus” Movement, karamihan sa kanila ay hindi kinikilala si Hesus at hindi hinihintay ang pagdating ng Messiah.

Ngunit sa ebanghelyo ngayong ika-21 ng Linggo, sinabi ng Panginoon na: “There are those last now who will be first, and first now who will be last” (Lk 13:30).

Ipinaalala rin ng Panginoong Diyos na kinakailangang kumilos ng tao upang makamit ang kaligtasan.

“You must enter through the narrow door” (Lk 13:24).

Ang tinutukoy ni Hesus na “narrow door” ay nangangahulugan na harapin ang problema at pagsubok sa buhay.

Halimbawa, upang maging Kristiyano, ang pagharap sa mga problema ay nangangahulugan ng FIDELITY sa itinadhana ng Diyos sa mga mahirap na sitwasyon gaya ng pagpapatawad ng kaaway o kaya’y pagiging matapat sa iyong asawa sa tuwing nahaharap sa tukso.

Ang pagharap sa pagsubok ay maaari mangahulugan na maging tapat sa transaksyon o kaya’y paggawa ng mga bagay na hindi mo gusto gaya ng pagsimba o pagbisita ang may sakit na kamag-anak sa tuwing nanonood ka ng paborito mong programa o maglaro ng basketball.

Nang madestino ako sa Immaculate Conception Parish sa Cubao, Quezon City noong pinatatakbo pa ng SVD priests ang simbahan, may isang mataas na opisyal ng gobyerno na pagkatapos ng oras ng trabaho ay nagtutungo sa simbahan upang makiisa sa mga aktibidad ng Legion of Mary, na bumibisita sa mga pamilya na lugmok sa kahirapan o kaya’y sa mga bilangguan. (Fr. Bel San Luis, SVD)