Isinusulong sa Kamara na gawin nang batas ang “No Balance Billing Policy” sa lahat ng accredited healthcare institutions ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ipinatutupad ng PhilHealth ang NBB Policy noon pang 2011, na nagtatakdang walang sisingiling bayarin sa mga pasyente na nagpapagamot sa mga simpleng “medical and surgical cases.”
Sa ilalim ng House Bill No. 105 ni Rep. Angelina Tan (4th District, Quezon City), sasaklawin ng NBB Policy ang lahat ng case-based payments at covered benefits na ililista ng Department of Health (DoH). Palalawakin ng PhilHealth ang listahan ng priority conditions at procedures na isasama sa mga package na ito at pakikinabangan ng lahat ng miyembro. Sasakupin din ng comprehensive health care para sa maralita ang gamot, supplies o diagnostic procedures, na ipagkakaloob nang libre. (Bert de Guzman)