Agad ikinamatay ng isang lalaki ang mga tama ng bala na natamo sa pakikipaghabulan sa apat na armado na hinihinalang miyembro ng “bonnet gang” sa Caloocan City, nitong Huwebes ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Gilbert Manansala, 41, ng Libis Espina, Barangay 18 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan.
Sa ulat ng pulisya, dakong 11:00 ng gabi naglalakad papauwi ang biktima nang masalubong nito ang apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.
Nakatunog umano ang biktima na siya ang pakay ng mga suspek kaya’t nagtatakbo ito patungong Bgy. 19 hanggang sa makarating sa Bgy. 20.
Sa pag-aakala ni Manansala na natakasan na nito ang mga humahabol sa kanya, bumalik siya sa kanilang lugar ngunit ilang saglit lang ay muling nanamang sumulpot ang mga suspek at siya’y pinagbabaril. (Orly L. Barcala)