GALING ng show nila ni Paulo Avelino sa New Jersey, USA ay nag-taping kaagad si Julia Montes para sa top-rating show na Doble Kara.
Bungad na tanong namin kay Julia sa press visit sa taping ng show (sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong nakaraang Huwebes ng tanghali), kung wala ba siyang jetlag.
“As of now, wala pa po, hindi ko pa nararamdaman,” sagot niya.
Isang taon na sa Agosto 24 ang Doble Kara na nakakaapat na season at balitang aabutin pa ng 2017. Kaya ang sey ni Direk Erik Salud, “Sabi ng management, tuluy-tuloy lang kaya tuloy lang kami sa taping.”
So, hanggang January 2017 nga ba sila?
“Baka… siguro hindi rin namin masabi kasi as of now ang ganda ng ratings at maganda ang feedback. So, baka…,” sagot ni Direk Erik.
Salo naman ni Julia, “Ang saya po kasi mabibigyan kami ng mahaba-habang pagsasama naming lahat, talagang iba po ‘yung journey na pinagdadaanan talaga nu’ng kambal.”
Hindi pa ba siya nababaliw sa pag-arte sa kung anu-anong mga pinagdadaanan ng kambal?
“Actually, okay pa naman po, siguro minsan po, emosyonal. Nagiging sensitive minsan sa karakter kasi may pinagdadaanan. Pero ang sarap sa pakiramdam kasi ang ganda nagsimula ng kuwento, klarung-klaro ‘yung characters po ng dalawang kambal, so ngayong may dilemma ‘yung dalawa ‘tapos nag-aagawan sa isang bata, masakit both, pero klaro po ‘yung pagkakasulat,” paliwanag ng dalaga.
Inamin ni Julia na ang pinakamahirap na parte sa pagganap sa kambal ay noong ginagaya na raw ni Sara si Kara, kaya nagpapasalamat siya na nalampasan na niya ang eksenang ‘yun na ang paglalarawan niya ay, “Very tricky po.”
Malapit ba sa kanyang katauhan sa tunay na buhay ang karakter nina Sara at Kara?
“Meron naman po, dati naging Sara nu’ng sa nanay ko na sumakay kami ng jeep, Goin’ Bulilit days pa po,” kuwento ng aktres.
Habang tumatagal ay lalong humuhusay sa pag-arte si Julia, bagay na pinansin ng entertainment writers na dumalaw sa taping. Kaya ang tanong kaagad kay Julia ay kung binibigyan ba siya ng tips ni Coco Martin sa pagganap bilang kambal na Sarah at Kara.
Nasubukan na rin kasi ni Coco Martin na gumanap bilang kambal sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang Cardo at Ador.
Natawa si Julia bago nakasagot, kasi nga pag-upo pa lang ay pangalan na kagaad ni Coco ang narinig.
“Alam ko, before, bago nag-start, nakapag-advise siya kasi naging kambal siya before. So ‘yun po, parang nasabi lang niya na anuhin ko ‘yung karakter, parang aralin ko lang ‘yung karakter, hindi ako maliligaw, ‘yun ang exact words,” nakangiting sagot ni Julia.
Kahit parehong busy, may komunikasyon pa ba naman sila?
“Paminsan-minsan po.”
Dumadalaw ba si Coco sa bahay nila ngayong magkapitbahay na sila sa Quezon City?
“Wala po, eh. Kasi, ang day-off ko lang po, Sundays saka Wednesday. Minsan, pinupuntahan ko sina Mama sa kabilang bahay (Antipolo). So ‘yun po, talagang busy rin,”nakangiting sagot pa rin ng aktres.
Nakakatuwa, Bossing DMB dahil dati na ngang rosy cheeks si Julia ay mas lalo pa siyang namula sa mga hinihirit na tanong sa kanya, na panay ang palambing na sabing, “Kayo, ha?”
Nang makausap si Coco ng entertainment press sa thanksgiving presscon ng Ang Probinsyano ay inamin nitong through text messaging ang komunikasyon nila ni Julia, dahil kahit daw magkalapit ang bahay nila ay hindi naman sila nagkikita dahil pareho nga silang busy.
“May ganu’n po?” tumatawang sabi ng aktres.
Nakakapanood pa ba ng Ang Probinsyano si Julia?
“Hindi po, eh. Pero minsan naman, sa I Want TV ‘pag may signal.”
Kinumusta rin namin ang personal na buhay ng dalaga.
“Okay naman po. Masasabi ko naman na tahimik, masaya and blessed na blessed ako sa lahat ng bagay,” masayang sagot ng dalaga.
Pati puso, blessed
“Kayo po, ha?” natawang sagot niya.
May idea ba siya na halos lahat ng fans nila ay naniniwalang sila na talaga ni Coco?
(Editor’s note: Kulang na tayo sa espasyo, pero promise, dear readers, mas marami pang rosy cheeks sa karugtong ng interbyung ito na ilalabas namin.) (Reggee Bonoan)