BEIRUT (AP) – Dagdag na pabigat sa ekonomiya at imprastraktura ng Lebanon ang daan-daan libong Syrian na tumawid sa kanilang bansa dahil sa limang taon nang civil war sa Syria. Ngunit naging biyaya ito sa isang sektor: ang industriya ng tabako.
Sa pinakamalaking pabrika ng tabako sa Lebanon, sa timog silangan ng kabiserang Beirut, walang tigil sa pagtatrabaho ang mga empleyado at halos hindi kayanin ang mataas na demand para sa sigarilyo.
“We are lucky that there are Syrians in Lebanon,” sabi ni George Hobeika, senior official sa pabrikang pag-aari ng estado. Mahigit triple ang itinaas ng konsumo ng ilang local brands sa Lebanon sa nakalipas na limang taon.
Mahigit isang milyong rehistradong Syrian refugees ang nasa Lebanon. Kung isasama ang mga hindi narehistro, aabot sila sa dalawang milyon. Karamihan sa kanila ay hindi makahanap ng trabaho at pinalilipas ang maghapon sa paninigarilyo sa nga refugee camp.