Nadagdagan pa ang petisyon laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani matapos ihain kahapon sa Korte Suprema ang ikatlong petisyon laban dito.
Inihain ng isang grupo ng mga martial law victim ang kanilang petisyon laban sa planong paglilibing sa dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.
Kabilang sa mga petitioner sina dating Commisisoner and Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales, Joan Maglibot at ilan pang kaanak ng mga biktima ng batas militar.
Dalawang kaparehong petisyon na ang inihain na kumokontra sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Setyembre 18, at inihihirit nila ang isang temporary restraining order (TRO) laban dito.
Ang una ay inihain sa Korte Suprema ng grupo nina dating Bayan Muna Party-list representatives Satur Ocampo at Neri Colmenares, habang ang ikalawa ay inihain ng mga kaanak din ng mga biktima ng martial law.
Una nang inihayag ni Pangulong Duterte na handa siyang ipagpaliban ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani sakaling pigilin ito ng kataas-taasang hukuman sa pamamagitan ng TRO. (Beth Camia)