MAGTATAPOS na ngayong araw ang pagpupursige ng Pilipinas sa Rio Olympics sa pagsabak ng huli sa 13 atletang Pinoy sa taekwondo competition. Mayroon na tayong isang medalyang pilak, na napanalunan ni Hidilyn Diaz ng Zamboanga City sa 53-kg category ng women’s weightlifting, at nagbigay-tuldok sa 20 taon ng paghahangad ng Pilipinas sa isang Olympic medal.
Ngunit nananatiling mailap para sa atin ang gintong medalya. Hindi pa tayo nakakasungkit nito sa lahat ng Olympic Games na ating nilahukan simula nang una tayong lumahok sa Paris noong 1924, gayong maraming mas malilit na bansa ang nanalo na nito, ang huli ay ang ating kalapit-bansa na Singapore, matapos na mapanalunan ng swimmer na si Joseph Schooling ang 100-meter butterfly event, tinalo ang pangunahing Olympian ng Amerika na si Michael Phelps.
Sa nakalipas, marami na ang bumatikos sa programa ng bansa para sa mga atleta. Matatandaang sinabi ni Rep. Jericho Nograles, ng Pwersa ng Bayaning Atleta Party-list, na dapat nang tigilan ng Pilipinas ang pagpapadala ng “excursionists” sa mga pandaigdigang sporting events, tinukoy ang pagsama ang maraming sports official sa mga hindi preparadong atleta na lumalahok sa mga paligsahan sa labas ng bansa, gamit ang pera ng taumbayan.
Binigyang-diin niya ang madalas na puna na patuloy tayong nagsisikap na magkaroon ng mahuhusay na atleta sa mga sikat na palakasan gaya ng basketball, gayong malinaw naman na hindi tayo maaaring makipagsabayan sa nagtatangkarang manlalaro ng maraming bansa. Dapat na tutukan natin ang sports na nakatuon sa patibayan at weight-classed, aniya, gaya ng boxing at weightlifting, at maging marathon. Mahuhusay din ang mga Pinoy sa archery, target shooting,
synchronized swimming, diving, at iba pang sports na walang bentahe sa atin ang matatangkad na atleta, aniya pa.
Sa unang bahagi ng linggong ito, pinangunahan ni Senator Manny Pacquiao, na siyang namumuno ngayon sa Senate Committee on Sports, ang public hearing na dinaluhan ng mga opisyal ng Philippine Olympic Committee, ng Philippine Sports Commission, at ng iba pang ahensiya ng gobyerno na nakatutok sa palakasan. Binatikos niya ang umano’y kurapsiyon sa iba’t ibang sports body.
Binalikan niya sa alaala na noong nagsisimula pa lang siya sa boxing, bago pa man siya makilala at hangaan ng buong mundo, ay nag-apply aniya siya upang maging miyembro ng Philippine boxing team na lalahok sa isang pandaigdigang paligsahan ngunit tinanggihan siya. Sinabi niyang nakarinig na rin siya ng maraming kuwento ng kurapsiyon sa mga sports body at ito ang tututukan ng mga pagdinig sa Senado na kasalukuyan niyang pinamumunuan.
Ito man ay tungkol sa kurapsiyon o paggigiit na magpakahusay sa mga sikat na palakasan tulad ng basketball na nagbubunsod upang mabalewala ang iba pang sports na mas akma sa katawan at talento ng mga Pinoy, karapatan nating magkomento tungkol dito, dahil na rin sa masiglang diwa ng pagbabago na buhay na buhay ngayon sa bansa. Nagbabala si Pacquiao sa mga sports official na dumalo sa Senate hearing na malinaw na ang kurapsiyon ay “one of the hindrances to our programs that should produce great athletes.”
Karamihan sa mga atletang ipinadala natin sa Rio ay mga indibiduwal na personal lamang ang naging pagsasanay at nag-apply para mapasama sa Philippine team. Isang Filipino-American ang nagpakitang-gilas sa hurdles at isang Fil-Japanese naman ang sumabak sa judo. Masuwerte naman si Hidilyn Diaz na suportado siya ng Philippine Air Force.
Sa iba’t ibang panig ng bansa ngayon, libu-libong kabataang atleta ang lumalahok para sa kanilang paaralan sa mga regional at national competition. Dapat na may pambansang programa upang higit pang sanayin ang mga atletang ito sa tulong ng mga wastong kagamitan, mahuhusay na coach, at akmang programa sa loob ng isang taon.
Kung magsisimula na tayo ngayon, tiyak na mas magiging mahusay ang paglahok natin sa susunod na Olympics sa Tokyo sa 2020. At sa pagkakataong ito, posibleng gintong medalya na ang mapanalunan natin.