SA mga mamamayan ng Angono, Rizal, mahalaga, natatangi at makahulugan ang ika-19 ng Agosto sapagkat magkasabay na ipinagdiriwang ang Araw ng Angono at ang kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon. Ngayong taon ay ipinagdiriwang ang ika-78 taon ng Angono. At ang paksa ng pagdiriwang ay: ANGONO: PAMANA at SINING.

Inihudyat ang simula ng sabay na pagdiriwang sa pamamagitan ng art exhibit nitong Agosto 17 sa SM Angono na dinaluhan ni Angono Mayor Gerry Calderon. Tampok sa art exhibit, na matatapos sa Agosto 23, ang mga likhang sining ng mga pintor sa Angono.

Ayon kay Gng. Flory R. Diaz, OIC ng Tanggapan ng Sining at Kultura sa Angono, naging bahagi rin ng pagdiriwang ang masayang “Giant Zumba” na isinagawa sa municipal compound ng Angono. Ito ay sinimulan dakong 8:00 ng umaga at nilahukan ng kababaihan, mga kabataan at maging kalalakihan.

Nagdaos din ng misa ng pasasalamat na pinangunahan ni Fr. Roy Crucero sa harapan ng munisipyo ng Angono. Sinundan ito ng maikling programa at floral offering o pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Pangulong Quzon na nasa kanang bahagi ng munisipyo ng Angono. Kabilang sa mga nag-alay ng bulaklak ang tanggapan ng Punong Bayan, Sanggunian Bayan, mga empleyado ng munisipyo, opisyal ng barangay, mga guro, Angono PNP, fire station at ng iba’t ibang business establishment sa Angono. Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang pagpaparangal sa mga napiling mamamayan ng Angono na pinangunahan nina Mayor Gerry Calderon at Vice Mayor Sonny Rubin. Ang mga parangal at pagkilalang ipinagkaloob ay ang Sanggunian Bayan award, Dangal ng Bayan award at Punong Bayan award.

Ang mga awardee ay sina Glenn Blanco, Nerisa Rabano Picadizo, Felix Maquing, at Sabina joy Vocalan. Pinarangalan din si G. Jolan Aralar, bilang Adopted Son ng Angono.

Sa kasaysayan, ang Angono ay naging isang malayang bayan mula sa pagiging isang dating barangay ng Binangonan, Rizal sa pamamagitan ng Executive Order No. 158 na nilagdaan ni Pangulong Manuel L. Quezon. Ang paglagda ni Pangulong Quezon sa Kautusang Tagapagpaganap ay nasaksihan ni dating Rizal Representative Emilio de la Paz at ng mga opisyal ng Angono noon na lumakad sa pagsasarili ng Angono. Bilang pagkilala sa ginawa ni Pangulong Quezon, tuwing sasapit ang ika-19 ng Agosto, ipinagdiriwang ng mga taga-Angono ang kaarawan ni Pangulong Quezon, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Angono.      

At ngayon, ang Angono ay isa nang Class A municipality. (Clemen Bautista)