ILOILO CITY – Sa loob lang ng mahigit 24 na oras, limang umano’y drug pusher ang magkakasunod na napatay sa mga anti-drug operation ng pulisya sa Western Visayas.

Ang huli ay isang retiradong pulis, na binaril at napatay sa Iloilo City nitong Huwebes ng gabi. Napatay si Wilson De Leon nang makipagbakbakan umano siya sa mga operatiba ng Mandurriao Police ng Iloilo City Police Office (ICPO).

Nasawi rin matapos barilin ng mga pulis ng ICPO sina Paul Centeno, ng bayan ng Ajuy; Michael Angelo Abebinir, ng Concepcion; at Michael Huesca, ng Pototan.

Sa isla ng Guimaras, napatay din ng mga pulis si Reynante Tanaleon, ng San Lorenzo.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Miyerkules nang nagsimula ang sunud-sunod na pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa droga kasunod ng pagbabanta ni Philippine National Police (PNP) Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na posibleng masibak sa puwesto ang mga regional director sa Region 6 (Western Visayas) at Region 5 (Bicol) dahil hindi epektibo ang pagpapatupad nito ng Project Double Barrel ng pulisya.

Bagamat mahigit 17,000 nang tulak at adik ang sumuko sa Western Visayas, pitong drug personality pa lamang ang napapatay sa mga operasyon ng pulisya.

Inaasahang bibisita si Dela Rosa sa Camp Delgado, ang regional headquarters ng pulisya sa Iloilo City, sa Agosto 26.

(TARA YAP)