Ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagtugis sa mahigit pang 35,000 drug pusher at user sa Maynila, na kabilang sa kanilang watchlist.
“Hahabulin natin sila hanggang mawala ang droga dito sa Maynila. Inatasan ko na ang MPD at mga barangay na paigtingin at pabilisan pa ang kampanya laban sa droga. Kung maaari ay habulin natin sila hanggang sa dulo ng mundo,” sambit ni Estrada.
Ito’y matapos iulat ni Manila Police District MPD director Police Sr. Supt. Joel Napoleon Coronel, na mula Hulyo 1 hanggang Agosto 17 ay umabot na sa 92 drug pusher ang napatay, habang 476 naman ang naaresto.
Ayon kay Coronel, nasa 10,174 na drug suspect ang kusang-loob na sumuko, habang 10,027 drug suspect naman ang kanilang nabisita at nabalaan.
Tinataya namang aabot sa P3.7 milyong halaga ng droga ang nakumpiska, at 92 iba’t ibang klase ng baril ang narekober.
(Mary Ann Santiago)