Hinarang kahapon ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 177 Indonesian na nagpanggap umanong mga Pilipino at nagtangkang lumabas ng bansa upang makiisa sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, inaresto naman ang limang Pilipino na nakatakda umanong umalalay sa mga Indonesian nang papasakay na ang mga ito sa eroplano patungong Madinah, Saudi Arabia.
Sinabi ni Morente na lahat ng 177 Indonesian ay may kanya-kanyang pasaporte ng Pilipinas na ipinagkaloob umano ng limang Pilipino na nag-organisa ng pilgrimage. Tinatayang aabot sa $10,000 ang ibinayad ng bawat Indonesian upang makabiyahe.
Idinagdag pa ni Morente na halatang hindi Pilipino ang mga ito sapagkat hindi umano makapagsalita ng Tagalog, Maranao, Cebuano o Maguindanao.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na pinagkalooban ang mga Indonesian ng pasaporte ng Pilipinas upang makadalo sa Hajj pilgrimage dahil may quotang inilaan ang pamahalaan ng Saudi para Filipino pilgrims at wala na umanong slot para sa Indonesian pilgrims, ayon sa mga organizer.
Ikinasa umano ang operasyon matapos matanggap ng BI Intelligence Division ang impormasyon na isang grupo ng Indonesian ang nakatakdang umalis sa NAIA sa Agosto 18 at 19.
Tumanggi si Morente na isiwalat ang mga pangalan ng Indonesian at kanilang mga kasabwat dahil kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang BI at iba pang law enforcement agency.
Nakikipagtulungan na rin umano si Morente sa Department of Foreign Affairs upang makalap ang lahat ng kinakailangang impormasyon kaugnay sa pagkakaloob ng pasaporte ng Pilipinas sa 177 Indonesian. (JUN RAMIREZ)