Emosyonal ang naging pagharap sa media ni Senator Leila De Lima, kung saan nanawagan ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik na sa kaayusan sa pamamagitan ng “pagpapairal sa batas at simpleng respeto sa kapwa tao.”

“Tama na po ang pananakot at panghihiya,” ani De Lima, kung saan hiniling din nito sa Pangulo na kung talagang wawasakin siya, huwag na lamang umanong idamay ang kanyang mga kasama, mga kaibigan at kaanak.

Ang pahayag ni De Lima ay bilang reaksyon sa pagbubunyag ng Pangulo na nagsabing ang ‘driver-lover’ umano ng Senadora ang kumukulekta ng pera sa mga drug lord. Tinawag ng Pangulo na ‘immoral’ at adulterer si De Lima na ayon sa huli ay ‘foul’.

Magugunita na inihayag ni De Lima na magsasagawa ito ng dalawang araw na pagdinig hinggil sa extrajudicial killings, hakbang na pinaniniwalaan ng Senadora na pinag-uugatan ng personal na pag-atake sa kanya ng Pangulo.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

“Words cannot express what I am feeling right now. I guess no one can, because no one has ever been attacked in such a manner by no less than the highest official of the land, until now. How does one defend oneself, when the attacker is immune from suit, and has all the backing of executive power to support him in his personal attack?” ani De Lima.

Senadora kinampihan

Kahapon din, hinimok naman ni Senator Franklin Drilon ang liderato ng Senado na manindigan laban sa pag-atake kay De Lima.

Ayon kay Drilon, dapat maglabas ng pahayag si Senate President Aqulino Pimentel III at ipagtanggol ang Senado bilang isang institusyon.

“I also hope that the Senate, as an institution, will rise to the occasion and defend the integrity of one of its members, even as it tries to find ways to peacefully and prudently resolve this matter,” ayon naman kay Senator Rissa Hontiveros.

Sumaklolo rin ang Liberal Party (LP) kay De Lima at sinabing ginagawa lamang ng huli ang kanyang trabaho. “The Liberal Party stands for free and open debate, for due process of law and respect and civility in public discourse,” ayon sa statement ng partido.

Digong napuno na

Napuno na umano si Duterte sa umano’y mga walang basehang akusasyon ni De Lima, kung saan pinalilitaw na ang Pangulo ang dapat sisihin sa extrajudicial killings.

Ito naman ang sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella bilang pagtatanggol sa Pangulo nang birahin ng huli si De Lima.

“Apparently PRRD is appalled by Sen. De Lima’s history for jumping to conclusions about the President’s culpability without sufficient evidence, lack of appreciation of the magnitude of the menace, and taking the opportunity to grandstand in spite of the gravity of the situation,” ayon kay Abella.

Sinabi naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na may sapat na basehan ang Pangulo sa mga akusasyon nito laban sa Senador. (Leonel Abasola, Aaron Recuenco at Genalyn Kabiling)