HALOS lahat ng mga antigong imbestigador at operatiba ng Philippine National Police (PNP) na aking nakakausap ay pabiro akong sinisita kung bakit kami raw mga taga-media ay mahilig magtanong ng: “Kung may SHOOT TO KILL order” laban sa isang notorious na drug pusher o kriminal na pinag-uusapan sa mga press conference.

Sa umpisa ng kuwentuhan, medyo pinagtatawanan nila ako sa hindi pagsagot dahil hindi naman ako talagang mahilig dumalo sa mga presscon, kayat ang usapan ay kadalasang nauuwi sa munting lecture, sermunan at kantiyawan.

Pero dahil mga kaibigan ko sila ay nangsosopla rin ako paminsan-minsan sa ginagawa nilang paandar sa mga taga-media, lalo pa’t ang pinag-uusapan sa presscon ay hinggil sa napapatay na mga drug pusher na lumaban umano sa mga operatibang huhuli sana sa mga suspek.

Wala raw matinong opisyal na mag-uutos ng “SHOOT TO KILL” sa mga operatiba dahil ilegal ito. Dagdag pa nila, ang mga nahatulan na ng kamatayan ng korte ay kinakailangan pang umapela bago mabitay paano pa raw ang mga suspek na hindi pa naman nasisintensiyahan. Pang-presscon daw kadalasan ang sagot para masiyahan lang yung nagtatanong na mga mamamahayag na halatang ang gustong ianggulo sa balita para lumaki ay – may SHOOT TO KILL order na. Pero ang catch sa sagot ay – “kapag LUMABAN.”

Natural lang naman daw na kapag lumaban ang mga suspek, hindi na nila kailangan ang SHOOT TO KILL order. Biro pa nga nila, kapag tumbahin (notorious) na ang ta-trabahuhin nila – nagbibilin lang daw ang opisyal nila na: “mag-ingat kayo at ’wag mag-uuwi ng basura sa opisina.”

Kadalasang ganti ko naman sa kanila sa ganitong usapan ay ang ipamukha sa kanila na magpalit na ng script sa kanilang mga operasyon o kaya ay kumuha ng bagong director dahil masyado nang gasgas ang kanilang senaryong ginagamit.

Sabay tanong din na – Kailangang nasa tabi ng bangkay ang baril ng mga suspek? Palaging kalibre 38 ang baril ng suspek at paltik pa? May granada palagi? Nakakatakas ang drayber ng get-away vehicle? Madaling araw palagi ang engkuwentro at ang lugar ay tago at walang tao? At kapag ang engkuwentro ay sa umaga o hapon naman, ang suspek palaging tumatakbo sa hindi mataong lugar kapag hinahabol at doon nasusukol? At ang pinakahuli – dalawang buwang under surveillance ang mga suspek at pag nag buy-bust na at napatay, still unidentified pa rin? Eh, di wow! Sa tawanan natatapos ang usapan.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)