SISIMULAN sa Lunes ng Senate Committee on Justice and Human rights na pinamumunuan ni Sen. Leila De Lima ang imbestigasyon sa mga nangyayaring patayan kaugnay sa inilunsad na operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa krimen at ilegal na droga. Ayon sa Senador, matibay ang kanyang sapantaha na mga scalawag sa PNP ang nagsasagawa ng extra-judicial killing para pagtakpan ang kanilang pagkakasangkot sa droga. May mga testigo raw siyang ihaharap para patunayan ito at lumabas ang katotohanan. “Ang layunin,” wika niya, “ay para masiguro na magiging matagumpay ang kampanya laban sa krimen at droga.” Makagagawa aniya ng wastong batas para magabayan ang mga maykapangyarihan sa pagganap nila ng kanilang tungkulin.
Sapat na ang mga batas para sa layuning ito, kaya lang nga, ayaw igalang ng mga pulis. Sa halip na sundin ang mga ito upang maging matagumpay ang kanilang kampanya ayon sa rule of law, ipinapalagay nila ang mga ito na sagabal. Ang puwersa ng kanilang kampanya ay nakabatay sa popularidad ni Pangulong Digong na tinutupad lang daw niya ang kanyang pangako sa taumbayan na susugpuin niya ang droga at krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Pero, ang Pangulo mismo ang nagsabi na nasa Revised Penal Code (RPC) ang ginagawang batayan ng mga pulis sa pagsunod nila sa kanyang utos. Regular performance of duty ang katwiran naman ng hepe ng PNP na si Ronald dela Rosa para hindi mapanagot ang kanyang mga miyembro sa ginagawa nilang pagpatay.
Totoo, kapag ikaw ay nakapatay o nakasakit sa pagtupad ng iyong tungkulin, o pagdepensa sa iyong sarili o kapwa, wala kang pananagutan sa batas at hindi ka pwedeng parusahan. Pero, ang mga ito ay depensa na isinasaad ng RPC na kailangan patunayan ng nakapatay o nakasakit sa isang paglitis. Ang mga pulis na nakapatay sa mga sangkot sa droga ay dapat idemanda muna. Sa imbestigasyon o paglilitis nila, kailangan patunayan nila na napatay nila ang biktima dahil tinupad lamang nila ang kanilang tungkulin.
Iyong katwiran na ni Dela Rosa na ipinagpalagay ng batas ang pagkapatay ay naaayon sa regular na pagganap ng tungkulin ng nakapatay kaya hindi ito dapat managot ay patakaran lamang sa pagtitimbang ng ebidensiya. Hindi ito pwedeng manaig sa karapatan ng akusado na siya ay inosente hanggang hindi napapatunayan na siya ay nagkasala.
Karapatan kasi itong ginagarantiyahan ng Konstitusyon. (Ric Valmonte)