Laro ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 pm Globalport vs.San Miguel Beer
7:00 pm Talk N Text vs. Phoenix
Itataya ng Talk N Text ang kanilang malinis na record at ang liderato sa pakikipagtuos sa Phoenix ngayong gabi sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.
Tanging natitirang koponan na may malinis na kartada ang Tropang Texters matapos ipanalo ang limang sunod nitong laro kabilang ang pinakahuling 109-89 panalo kontra Blackwater.
Sa nasabing laro ay sinandigan ng Katropa ang naglaro sa unang pagkakataon sa liga na pansamantalang import na si Mychal Ammons. Pinalitan ni Ammons ang injured na si Mario Little.
“We’re just trying to play the best that we can every game,” sabi ni TNT mentor Jong Uichico.
Dulot na rin ito ng mga injury sa ilan nilang mga players gaya nina Moala Tautuaa at ang import na si Little.
Gayunman, umaasa si Uichico na kahit paano ay nakapag- adjust na si Ammons sa laro nila at mahuli na rin ng mga locals ang laro ng bago nilang reinforcement.
Sa panig naman ng Fuel Masters, magkukumahog silang makaakyat mula sa kanilang kinalalagyang 7th spot taglay ang 2-3, panalo- talong kartada.
Mauuna rito, patatatagin ng defending champion San Miguel Beer ang kapit sa ikalawang posisyon sa pagtutunggali nila ng Globalport na hangad namang umangat sa pagkakaluklok sa ikawalong puwesto kasalo ng Star na may barahang 1-4 ganap na 7:00 ng gabi. (Marivic Awitan)