Dalupan copy

Sumakabilang buhay na ang tinaguriang The Maestro sa edad na 92.

Ang maalamat na si Virgilio A. “Baby” Dalupan ay namayapa na dahil sa sakit na pneumonia sa kanyang tahanan sa Quezon City.

Kinikilala bilang “The Maestro,” si Dalupan ay naging tanyag bilang basketball coach at player kung saan tampok sa kanyang nagawa ang mahabang panahon na paggiya sa Crispa Redmanizers at pagsungkit nito ng mahirap pantayan na career total na 52 basketball championships.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Matatandaan na sa kanyang 16 taon sa Philippine Basketball Association (PBA) simula magbukas ang propesyonal na liga noong 1975 hanggang 1991, nagawa ni Dalupan na magwagi ng 15 korona, na siyang pinakamarami sa isang PBA coach bago nalampasan noong Pebrero 26, 2014, ni Tim Cone na nagawang iuwi ang kanyang ika-16 na titulo noong 2013–2014 PBA Philippine Cup.

Ang rekord ni Dalupan na 15 PBA titles ay hindi napantayan sa nakalipas na 23 taon (1990-2013) bago nagawa ni Cone pantayan ang rekord noong Oktubre 26, 2013 sa 2013 PBA Governors’ Cup. Kapwa hawak ng dalawang coach ang iisang PBA franchise ng mapanalunan ang kanilang ika-15 titulo.

Nakamit naman ni Dalupan ang ika-15 korona kontra kay Cone na hawak noon ang Alaska.

Tangan din ni Dalupan ang rekord sa pagwawagi sa pinakamaraming bilang ng UAAP men’s basketball championship title na 12 bilang coach ng University of the East Red Warriors.

Si Dalupan ay unang naging student-athlete at alumnus sa Ateneo de Manila (GS 1938, BBA 1949). Ito ay naging miyembro ng basketball squad noong 1947-1949, team captain sa football (1948-1949), at track and field.

Noong 1950 hanggang 1954, ay naglaro pa ito ng basketball sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) kasama ang PRISCO (Price Stabilization Corporation) team.

Naging head coach din ito ng Philippine Men’s Basketball Team noong 1959 FIBA World Championship na isinagawa sa Chile kung saan tumapos na ikawalo ang koponan. Ito din ang humawak sa national team na lumahok sa 1967 Summer Universiade (5th place), 1970 Asian Games (5th place), 1970 Pesta Sukan (champion) at 1972 Pesta Sukan (runner-up).

(Angie Oredo)