Hindi na matutupad pa ang pangarap ng isang matandang babae na magkaroon ng sariling bahay nang siya’y matagpuang nakahandusay sa tinutuluyang bangketa sa P. Guevarra St., Sta. Cruz, Maynila, nitong Miyerkules.
Dakong 11:00 ng umaga nang madiskubre ni Ferdinand Prado, 48, ang bangkay ng kanyang ina na si Aida Prado, 70, biyuda.
Sa naging salaysay ni Ferdinand kay SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Criminal Against Persons Investigation Section (CAPIS), huli umano niyang nakita ang kanyang ina dakong 8:00 ng umaga ng Miyerkules.
Makalipas ang halos tatlong oras ay laking gulat na lang umano ni Ferdinand na patay na ang kanyang ina.
Ayon kay Ferdinand, 1992 pa nakatira sa bangketa ang kanyang ina at matagal na umano nitong pangarap na magkaroon ng sariling bahay. (Mary Ann Santiago)