NAGSIMULA ang Conditional Cash Transfer (CCT) bilang isang P9-bilyon aid program na layuning tulungan ang pinakamahihirap na pamilya sa bansa, hinalaw ng administrasyong Aquino sa mga programang ipinatutupad sa Brazil at Mexico. Nang humalili ang administrasyong Aquino noong 2010, hindi lamang nito ipinagpatuloy ang CCT kundi pinalawak pa taun-taon hanggang sa lumobo na sa P62 bilyon ang pondo nito noong 2015.
Sa huling taon ng administrasyong Aquino, dumagsa ang mga panawagan para busisiin ang CCT kasunod ng mga nadiskubre na bilyun-bilyong puso ang napunta sa mga hindi karapat-dapat na benepisyaryo, kabilang ang mga kawani ng gobyerno, mga opisyal ng barangay, at mga pamilyang hindi naman naghihirap. Tinaya ng Asian Development Bank (ADB) na 30 porsiyento ng pondo ng CCT—nasa P19 na bilyon—ay hindi napakinabangan ng mga sadyang benepisyaryo nito. Pinopondohan ng gobyerno ng Pilipinas ang CCT ng inutang sa ADB at World Bank.
Sa kabila ng lahat ng mga pagbubunyag at lahat ng batikos, ipinagpatuloy ng gobyernong Aquino ang nasabing programa, iginiit na nakatulong ito sa mahihirap at binalewala ang mga akusasyon tungkol dito noong kampanya para sa halalan, na ang mga pamilyang tumatanggap ng CCT ay hiniling na bumoto sa mga kandidato ng administrasyon kung ayaw nilang mawala ang nasabing benepisyo sakaling oposisyon ang mahalal.
Pero nanalo na nga ang oposisyon. Inihalal si Pangulong Duterte dahil sa ipinangako niyang pagbabago. Maraming pagbabago na nga ang ipinatutupad ngayon, partikular sa pagdadagdag ng pondo para sa imprastruktura, agrikultura, at iba pang mga programa na hindi pinagtuunang pansin ng mga nakalipas na administrasyon.
Ngunit mistulang walang babaguhin ang bagong administrasyon sa CCT. Nitong Martes, tinuligsa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang gobyerno sa muling paglalaan ng P62 bilyon para sa CCT nang hindi isinasaalang-alang ang matamlay na sektor ng kalakalan. Sa isang isipublikong pagdinig, sinabi ni PCCI President Sergio R. Ortiz-Luis na hindi niya maunawaan kung bakit may P62 bilyon budget ang gobyerno para sa CCT, gayung ang P5 bilyon ay ginastos upang tukuyin kung paano ginastos ang P62 bilyon, gayung ang Department of Trade and Industry (DTI) ay P4 bilyon lamang ang budget.
Ipinanukala niyang tapyasin ang P20 bilyon mula sa CCT fund at ibigay ito sa DTI upang matulungan ang mga small and medium enterprise (SME). Ang mga negosyong ito, giit niya, ang lilikha ng mga trabaho at magbabayad sa mga utang, hindi tulad sa CCT na basta lamang ipinamumudmod ang pera sa mga benepisyaryo na hindi naman nagbabalik dito.
Tunay na mahalaga na muling pag-aralan ang CCT program. Mismong si Secretary of Social Work and Development Judy Taguiwalo ay naninindigan dito. Walang panawagan upang lubos na itigil ang CCT dahil patuloy itong nakatutupad sa layuning ayudahan ang mamamayang tunay na nangangailangan. Ngunit marapat lang na matigil na ang pakikinabang ng mga hindi karapat-dapat sa malaking bahagi ng pondo. At ang malaking bahagi ng P62 bilyon ay dapat na ilaan sa mga programang magpopondo sa mga maliliit at papaunlad na industriya at sa paglikha ng maraming oportunidad sa pagkakakitaan para sa mga taong handa at nais magtrabaho.