RIO DE JANEIRO (AP) – Mabigat ang naghihintay na laban kay Kirstie Elaine Alora – nalalabing Pinoy na may laban para sa inaasam na gintong medalya – ngunit kumpiyansa ang kanyang coach at world championship veteran na si Roberto ‘Kitoy’ Cruz sa kahihinatnan ng kampanya ng Pinay jin sa 2016 Rio Olympics.

Sasabak sa kanyang opening round match ngayong Sabado ng umaga (Sabado ng gabi sa Pilipinas) ang 26-anyos na si Alora, mula sa Biñan, Laguna, kontra sa matikas na si Maria Espinoza ng Mexico sa women’s +67 kilogram division.

Haharapin niya ang karibal na nagwagi ng gintong medalya sa 2008 Beijing Olympics at 2012 London Olympics bronze medalist.

“They’ve fought once, right after the Beijing Olympics, and the Mexican won, 2-1. Elaine can beat this Mexican,” sambit ni Cruz.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinaalalahanan umano niya si Alora na gamitin ang bilis para maagang makuha ang momentum.

“Elaine has been training well even while we were in Manila and since we arrived here in Rio almost a month ago,” sambit ni Cruz, tanging Pinoy na nagwagi ng pitong gintong medalya sa kasaysayan ng Southeast Asian Games.

Nagwagi rin si Cruz ng tatlong silver at dalawang silver medal sa World Championships, dalawang bronze sa World Cup at isang ginto, isang silver at isang bronze Asian Championships.

Ang karanasan ni Cruz ang ilaw na tatanglaw sa daanan patungong pedestal ni Alora.

“Kaya ni Elaine,” sambit ni Cruz.

Kung malulusutan ni Alora si Espinoza, kailangan pa niyang manalo ng dalawa laban para makasiguro ng final seat.