STAR-STUDDED weekend ang ihahatid ng Kapuso celebrities sa pagdiriwang ng Kadayawan Festival sa Davao City.
Bukas (Sabado, Agosto 20), mangunguna ang mga bida ng hit telefantasya na Encantadia sa Kapuso mall show na gaganapin sa Gaisano Mall sa Davao sa ganap na 4:00 ng hapon. Sina Kylie Padilla at Glyza de Castro ang magbibigay-aliw sa mga manonood kasama ng kanilang co-stars na sina Ruru Madrid at Migo Adecer.
Bago mag-mall show, magbibigay-saya muna ang Kapuso stars sa Barangay 23-C para sa Kapuso Barangayan na gaganapin sa covered court ng barangay sa ganap na 1:00 ng hapon.
Magiging bahagi rin ang GMA sa Pamulak sa Kadayawan Float Parade sa Linggo (Agosto 21). Sakay ng Kapuso Float, maglilibot ang cast ng Encantadia mula Magsaysay Streest hanggang Rizal Park simula alas otso ng umaga.
Hindi rito nagtatapos ang kasiyahan dahil marami pang Kapuso stars ang darating upang makiisa sa selebrasyon ng pinakamalaking festival ng Davao City.
Makikipag-bonding sa fans ang mga bida ng GMA shows na Juan Happy Love Story, Sinungaling Mong Puso, at ang upcoming drama series na Someone to Watch Over Me sa Abreeza Mall sa ganap na 4:00 ng hapon.
Makakasama ni Dennis Trillo ang kanyang co-star sa sexy comedy series na Juan Happy Love Story na si Kim Domingo.
Samantala, hindi rin pahuhuli ang mga aktor sa GMA Afternoon Prime na Sinungaling Mong Puso na sina Rhian Ramos, Rafael Rosell, at Kiko Estrada sa paghahatid ng sorpresa sa kanilang Davaoeño fans.
Kilig naman ang dala ng tambalang Lovie Poe at Tom Rodriguez na mapapanood sa upcoming drama series na Someone to Watch Over Me.