ZAMBOANGA CITY – Isa pang Indonesian, ang chief officer ng tugboat na T/B Charles, ang nailigtas ng militar nitong Miyerkules ng hapon sa Luuk, Sulu, na nagpatindi sa pag-asa ng awtoridad na masasagip din nila ang limang iba pang tripulante na bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) matapos dukutin noong Hunyo 23, 2016 sa karagatan ng Tawi-Tawi.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr., ang ikalawang Indonesian na nakatakas sa grupong bandido sa pangalang Ismail.
Dakong 4:30 ng hapon nang matagpuan ng mga operatiba ng Joint Task Force Sulu si Ismail sa kalsadang tumutumbok sa Barangay Bual sa Luuk.
Pinaigting na ng militar sa Sulu ang search at rescue operation para sa pagliligtas sa lima pang tripulanteng Indonesian na dinukot ng ASG makaraang makatakas mula sa mga bandido ang Indonesian na si Mohammad Sayfan nitong Miyerkules ng umaga.
Sinabi ni Tan na sabay na tumakas ang dalawang Indonesian ngunit nagkahiwalay sila habang hinahabol ng mga miyembro ng ASG.
Sina Sayfan at Ismail ay kapwa nasa kostudiya na ng Joint Task Force Sulu at sumasailalim sa medical check-up bago ibalik sa mga awtoridad ng Indonesia.
Sa ngayon, nananatiling bihag ng ASG ang limang tripulante ng T/B Charles na sina Ferry Arifin, M. Mahbrur Dahri, Edi Suryono, M. Nasir at Robin Piter. (Nonoy E. Lacson)