Patuloy na hinawakan ni Philippine No. 1 at Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna ang liderato matapos makipaghatian ng puntos kontra WGM Dinara Saduakassova ng Kazakhstan sa pagpapatuloy ng Round 9 ng World Juniors Chess Championships sa KIIT University sa Bhubaneswar, India.
Nakapagtipon ang 19-anyos na graduating Psychology student ng Far Eastern University ng kabuuang 7 puntos mula sa limang panalo at apat na draw upang mapanatili ang kanyang kampanya sa titulo ng torneo at posibilidad na na maging pinakaunang WGM ng Pilipinas.
Gamit ang itim na piyesa ay nakipagkasundo ang Bicolana na si Frayna (ELO 2292) para sa draw matapos ang 46 moves ng Queen’s Gambit Declined Semi-Slav.
Nakapantay naman nito sa kapwa 7 puntos sa liderato si WIM Alina Bivol (2303) ng Russia na tinalo ang dating nasa unahan na kababayan na si WIM Dinara Dordzhieva (2304) na nahulog sa ikatlong puwesto sa bitbit na 6.5 puntos.
Habang isinusulat ito ay makakasagupa sa Board 2 ng 9th seed na si Frayna (2292) ang kapwa WIM na si Catherina Michelle (2205) ng India para sa 10th Round ng 13 round na torneo.
Nabigo naman ang kasamahan ni Frayna na si WFM Shania Mae Mendoza (2191) upang mapag-iwanan sa 26th to 30th place sa natipon lamang na 4½ puntos kontra sa 20th seed na si WFM Mobina Alinasab (2199) ng Iran.
Umakyat naman sa ika-18 puwesto si International Master Paolo Bersamina (2402) sa natipong 5½ puntos habang nahulog sa ika-70 puwesto si Paul Robert Evangelista (2020).
Tinalo ng 26th seed na si Bersamina para iangat ang kanyang natipon na puntos sa 5½ ang nakatapat na si Dimitrios Papakonstantinou (2180) ng Greece.
Si Evangelista ay nabigo naman kay Lavin Carlos Felipe Squella (2203) ng Chile. (Angie Oredo)