Kasalukuyang nagpapagaling ang isang binatilyo matapos umanong pagsasaksakin ng sarili niyang ama na madalas umanong mang-bully sa tuwing nalalasing sa kanilang tahanan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang biktima, 17, bunsod ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang ama ng biktima, nasa hustong gulang, jeepney driver.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, nabatid na nangyari ang pananaksak dakong 12:35 ng madaling araw kahapon.
Sa salaysay ng nakatatandang kapatid ng biktima, 26, sa tuwing malalasing ang kanilang ama ay madalas nitong i-bully ang biktima at gawan ng mga hindi kanais-nais na bagay, na hindi naman nito tinukoy kung ano. (Mary Ann Santiago)