Nasa kabuuang 31 pakete ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad ng Manila Police District (MPD) mula sa tatlo umanong drug pusher na napatay habang tatlong iba pa na naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sampung pakete ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station 10 kina Paulester Lorenzo, 32, alyas “ET”, ng 2967 Lorenzo dela Paz St., at Danny Laurente, 34, alyas “Dantoy”, ng 2623 Interior 5, San Jose St., Beata, sa Pandacan, Maynila.

Napatay ng mga awtoridad sina Lorenzo at Laurente matapos umanong manlaban sa buy-bust operation.

Bukod sa shabu, nakuha rin umano mula sa mga suspek ang dalawang .38 revolver at dalawang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, 10 pakete rin umano ng shabu ang nakumpiska mula sa isa pang suspek na napatay sa buy-bust operation sa Building 7, Katuparan Condominium sa Tondo, dakong 11:14 ng gabi.

Sa halip na sumuko ay nanlaban pa umano si Rolando Bangayan, 28, alyas “Ron-ron”, miyembro umano ng “Sputnik Gang” at residente ng Block 6, Lot 21, J.P. Rizal St., sa Tondo.

Arestado naman ang tatlong katao nang makumpiskahan umano ng 11 pakete ng shabu ang buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 1, dakong 7:30 ng gabi sa Trinidad St., Barangay 103, sa Tondo.

Ito ay sina Rommel Cruz, 31, ng 83 Trinidad St.; Edwina Santos, 46, alyas “Inang Tomboy”, ng 316 Simoun St.; at Vilma Lagrosa, 31, ng 314 Simoun St., sa Tondo. (Mary Ann Santiago)