Hindi na kampeong pandaigdig sa boksing si Donnie “Ahas” Nietes matapos niyang bitiwan kahapon ang kanyang WBO light flyweight crown para magkampanya sa flyweight division.

Makakalaban niya sa 112 pounds division ang dating world champion na si Edgar Sosa ng Mexico sa StubHub Center sa Carson City, California sa Setyembre 24.

Sa pagkabakante ng korona, inaasahang pipiliin ng WBO si No. 1 at mandatory contender Moises Fuentes ng Mexico para makaharap ang top contenders na sina No. 2 Kosei Tanaka at No. 3 Ryuji Hara kapwa ng Japan at ang ka-stable ni Nietes na si No. 4 Milan Melindo para sa titulo.

Pinakamahaba ang panahon ni Nietes sa pagiging kampeong pandaigdig na nagsimula noong Setyembre 30, 2007 nang matamo niya ang WBO minimumweight title na nagtuloy sa pagsungkit niya sa WBO light flyweight crown kay Mexican Ramon Garcia Hirales noong 2011 kaya mahigit walong taon siyang kampeong pandaigdig.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa laban kay Sosa para sa bakanteng WBO Intercontinental flyweight title, inaasahang mapapasabak si Nietes dahil beterano ang Mexican na may kartadang 52-9-0, tampok ang 30 knockouts kumpara sa kanyang kartada na 38-1-4, kabilang ang 22 knockouts. (Gilbert Espena)