HINDI akalain ni Batangas 6th District Rep. Vilma Santos na mabibigyan siya ng chairmanship sa Kongreso. Kadalasan kasi, mga datihan nang representative ang namumuno o humahawak sa mga committee at nagiging miyembro lang ang mga baguhan.
Pero si Cong. Vi ang ibinoto ng mga kapwa niya mambabatas at ipinagkatiwala sa kanya ang pagiging chairperson ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation na mga beterano sa Kongreso ang mga dating nagsihawak.
Masaya siyempre si Cong. Vi pero inaamin niya na kailangan pa niya ang masusing pag-aaral at konsentrasyon para magampanan nang maayos ang bagong posisyong hahawakan niya bilang mambabatas.
Napag-alaman namin na bukod tanging si Ate Vi ang first-time congresswoman na may hahawakang committee. Ang third termer at taga-showbiz ring si Cong. Lucy Torres naman ang mamumuno ng Committee on Tourism.
Mukhang enjoy naman ang Star for All Seasons sa pagiging mambabatas.
“Well, interesting. Marami akong natututunan and alam ko naman na bagong challenge ito sa akin as a legislator. I’m learning a lot,” sey ni Ate Vi.
Marami na siyang nakakausap na kapwa niya mambabatas at may mga natututunan din siya sa mga ito.
“Karamihan sa kanila, eh, kagaya ko na nanggaling sa local at nagkakasundo kami sa issue. Halos pare-pareho ang sentiments namin sa ibang mga bagay,” banggit pa niya.
Ayaw muna niyang magkomento hinggil sa mga kontrobersiyal na mga isyung mainit na pinag-uusapan ngayon.
“Hayaan n’yo muna akong pag-aralan ang mga ‘yan. If we will talk about that, like ‘yung death penalty, federalism, at iba pa, eh, give me time to learn more para naman ‘pag bumoto ako d’yan sa parte na ‘yan, eh, kaya kong paninindigan at kaya kong i-defend,” seryosong lahad niya.
Hangga’t maaari at hangga’t kaya ng katawan niya ay present si Ate Vi sa lahat ng legislative sessions.
“Basta ba huwag lang matapat sa pamilya. Sunday is sacred to me. That’s for my family kasi alam n’yo namang I’m still a mom and a wife. Pero anything na ‘pinagkatiwala sa akin nakaya kong gawin as a public servant and now bilang representative ng Lipa, asahan nila na I’ll do my very best,” lahad pa ng wifey ni Sen. Ralph Recto.
So, isasantabi muna niya ang showbiz?
“Well, hindi naman p’wede ‘yan. Pagdating sa showbiz projects, eh, open pa rin naman tayo. Kumbaga, kung makakasingit ulit at p’wede, eh, why not, di ba? Really, I still miss doing films,” sey pa ng Star for All seasons.
Samantala, ayon sa isa naming source ay may kumakausap sa kampo ni Ate Vi para sa maging special guest sa isang primetime show, huh! (JIMI ESCALA)