Wala na ngang kinita sa pamamasada dahil sa pabugsu-bugsong buhos ng ulan, nabiktima pa ng holdaper ang isang taxi driver sa Valenzuela City noong Martes ng gabi.

Walang nang nagawa si Alexander Barcelona, 61, ng PHBB Package 1-B, Block 16, Lot 19, Bagong Silang, Caloocan City, kundi ang magtungo sa Police Community Precinct (PCP) 9, para i-report ang pangyayari.

Sa salaysay ni Barcelona, wala siyang maisakay ng pasahero ng gabing iyon dahil malakas ang ulan at bahang-baha na sa Metro Manila.

Metro

Nahilong senior citizen na namimitas ng malunggay, tumusok mukha sa bakod

Dakong alas 10:00 ng gabi, nang parahin siya ng isang lalaki sa Muñoz, Quezon City at nagpahatid sa Fortune 4, Barangay Parada, Valenzuela City.

“Kung saan-saan ko pa siya (suspek) idinaan para makaiwas kami sa baha kasi ang lakas talaga ng ulan,” ani Barcelona.

Pagsapit sa Fortune 4, siningil na umano ni Barcelona ang suspek ng P250, pero sa halip na magbayad ay tinutukan pa umano siya ng suspek ng patalim at baril at nagdeklara ng holdap.

“Sabi ko nga sa holdaper na wala akong ibibigay sa kanya kasi nga hindi pa ako kumikita,” anang biktima.

Sa inis ng holdaper, kinuha na lang nito ang cellphone ni Barcelona, hikaw at pati na ang taxi minamaneho nito, at iniwan ang huli sa nasabing lugar.

Sa follow-up operation, narekober ang taxi ni Barcelona sa kahabaan ng Padrigal St., Bgy. Karuhatan.

(Orly L. Barcala)