SA pagmulat ng mga mata ni Boy Commute, agad niyang natanaw mula sa bintana ang sikat ng araw. Matapos ang ilang araw na walang tigil na pag-ulan, sa wakas ay gumanda na rin ang lagay ng panahon at mas magaan ang pagkilos ng mga tao.
Dali-daling nag-shower si Boy Commute at isinuot ang kanyang damit bago kumaripas sa lansangan upang sumakay sa taxi.
Hindi lang naka-uniporme ang makisig na driver kundi magalang din.
Ang karaniwang masungit na si Boy Commute ay napangiti sa simpatikong taxi driver.
Mabilis na nakarating si Boy Commute sa isang tanggapan ng pamahalaan sa Pasay Rotonda dahil may kukunin siyang dokumento roon.
Mabilis din ang pagkakaproseso ng kanyang dokumento at agad siyang nagtungo sa isang istasyon ng LRT 2 upang makaiwas sa traffic at makatipid din sa pasahe.
‘Tila sinusuwerte si Boy Commute sa araw na iyon dahil wala ring pila sa mga token booth ng LRT.
At hindi lang malinis at mabango ang palikuran na kanyang pinasok kundi may libreng toilet paper pa.
Dahil sa sunud-sunod na positive vibes, ang ganda ng pakiramdam ni Boy Commute kahit na maraming siyang dapat na asikasuhin.
Tamang-tama lang ang dami ng mga pasahero na nakasakay sa mass transit system kaya nakaupo si Boy Commute hanggang makarating sa Cubao station.
Napadpad siya sa Cubao matapos na maglambing ang kanyang ina ng prutas bilang pasalubong.
Mabait ang pakikitungo ng mga tindera kaya hindi na siya nagtangkang tumawad sa avocado at lanzones na kanyang binili kahit panay ang dampot niya sa huli bilang patikim.
Sa pagbalik niya sa kanyang bahay sa Parañaque, nagpasya si Boy Commute na sumakay sa pampasaherong bus na biyaheng EDSA.
Maayos ang pagkakapila ng mga bus sa terminal, at naka-uniporme hindi lamang ang driver kundi maging ang konduktor.
Wala ring istambay at kargador na dati’y walang tigil ang kalabit sa mga pasahero.
Bagamat hinapo na sa paglalakad sa Cubao, naging relax si Boy Commute sa panonood ng isang action movie sa loob ng bus.
Sa pamamagitan ng libreng Wi-Fi service, paminsan-minsan ay sinisilip niya ang kanyang android phone kung may mga bagong email message siyang natanggap mula sa mga katrabaho.
Blagadag!
Biglang nagising si Boy Commute sa mahimbing na pagkakatulog nang maumpog sa gilid ng bintana dahil sa malakas na pagbangga ng sinasakyan niyang ordinary bus.
Ang lahat ng naranasan niya sa mga nakalipas na oras ay panaginip lang pala. Buwiset! (ARIS R. ILAGAN)