ZAMBOANGA CITY – Nakatakas ang isa sa anim na tripulanteng Indonesian na bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG) mula sa kostudiya ng mga bandido sa Luuk, Sulu, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Maj. Filemon Tan, Jr., ang nakatakas na si Mohammad Sayfan, 28, isa sa anim na tripulanteng Indonesian ng Tugboat Charles.

Hunyo 23, 2016 nang dukutin ng ASG ang grupo ni Sayfan habang naglalayag sa Tawi-Tawi, sa hangganan ng Pilipinas at Malaysia.

Sinabi ni Sayfan sa awtoridad na dinala siya ng mga bandido sa bakawan sa mga barangay ng Bual at Bato-Itum sa Luuk, at sinikap niyang makatakas matapos niya umanong maulinigan na pinaplano na ng grupo ang pagpugot sa ulo niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dakong 7:30 ng umaga kahapon nang namataan ng mga residente si Sayfan habang palutang-lutang sa pagkakasalabid sa mga lambat sa dalampasigan ng mga barangay Bual at Bato-Itum, at agad na sinagip at dinala sa munisipyo ng Luuk.

Nauna rito, hinihinalang ASG din ang dumukot nitong Martes sa isang babaeng guro sa isang pampublikong paaralang elementarya sa Patikul.

Ayon sa military report, dakong 8:00 ng umaga nang dukutin ng limang armadong bandido si Edrina Manalas Bonsil, nasa hustong gulang, habang patungo sa pinapasukang Tuup Elementary School sa Bgy. Taung, Patikul.

BALWARTE NG ASG NAKUBKOB

Ilang oras matapos ang panibagong pagdukot, nakubkob ng militar ang kuta ng ASG na tinatawag na Hill 355 sa Bgy. Silangkum sa Tipo-Tipo, Basilan, dakong 2:20 ng hapon nitong Martes.

Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr., ang ikalawang nakubkob na stronghold ng ASG ay may 10 bunker, apat na tunnel, ilang foxholes, kitchen hut at isang exit post.

Nakasamsam din ang militar ng dalawang improvised explosive device (IED) sa lugar.

Noong nakaraang linggo lang ay nakubkob ng militar ang kuta ng ASG, ang Hill 440, sa Bgy. Baguindan Proper sa Tipo-Tipo. (NONOY LACSON at FER TABOY)