Matinding konsumisyon ang inabot ng mga motorista sa karambola ng walong sasakyan matapos umanong mawalan ng preno ang isang pampasaherong jeep sa Makati City, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat nina PO3 Edison Lavadia at SPO2 Rommel Salvador ng Makati Traffic Department, dakong 6:50 ng umaga nagkarambola ang walong sasakyan; dalawang pampasaherong jeep (TYA-742) at (TYK-963), dalawang UV Express Service van (UQV-239) at (CO-2181), isang Toyota Vios sedan (AALL-7081), isang Mitsubishi Mirage sedan (ZTM-187) at isang Mitsubishi Strada pick-up truck (UOW-353), sa EDSA-Kalayaan flyover, malapit sa panulukan ng Jervois St., Barangay Pinagkaisahan.

Umamin ang driver ng jeep na si Emmanuel Miranda na mabilis ang kanyang pagpapatakbo at bigla na lamang umanong nawalan ng preno dahilan upang maararo ang mga nasa harapang sasakyan.

Mabilis na rumesponde ang MMDA, South Cembo at Makati Rescue team sa lugar at agad nilapatan ng lunas ang apat na katao na hindi pinangalanan. Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at posible umanong kasuhan si Miranda ng reckless imprudence resulting to physcial injuries and damage to properties.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

(BELLA GAMOTEA)