SA kasagsagan ng malakas na ulan nitong Linggo, habang maraming lugar ang lubog sa baha, malaking bahagi ng Metro Manila ang nawalan ng supply ng tubig. Ang nangyari ay: “water, water everywhere, nor any drop to drink”, gaya ng sawikain ng isang sinaunang marino tungkol sa isang barko na hindi makaalis sa karagatang malapit sa equator.
Ang ulan na bumuhos sa Metro Manila at sa ilang lalawigan ay malinis at maaaring inumin, ngunit ito rin ang naging dahilan kung bakit nagdumi ang supply ng tubig na nakaimbak sa Angat Dam, nagkaroon ng maliliit na bato mula sa lupang dumausdos mula sa Angat watershed area. Dahil dito, binawasan ng Maynilad ang supply nito ng tubig sa Metro Manila habang isinasaayos ang pagpapalinis sa tubig nito sa La Mesa dam.
Kasabay nito, ang malaking bahagi ng ulan na bumuhos sa malawak na parte ng Luzon ay nagdulot ng matinding baha sa maraming bayan at barangay, bago umagos patungo sa dagat. Nanganganib na umapaw ang mga dam sa bansa kung magpapatuloy pa ang pag-uulan, gaya ng inaasahan ng weather bureau, sa mga susunod na araw.
Ngayong mayroon tayong bagong administrasyon, panahon nang solusyunan ang matagal nang problemang ito at gawin itong mahalagang bahagi ng pag-unlad, hindi lamang para maibsan o mapigilan ang baha, kundi upang matuldukan na ang madalas na pagsasayang ng isang napakahalagang bagay—ang ating saganang tubig-ulan—at paggamit dito upang mapasigla ang produksiyong agricultural.
Isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso nitong Lunes ang panukalang national budget ng administrasyon na P3.35 trilyon para sa 2017, mas mataas ng 11.6 na porsiyento kaysa P3.002 trilyon ngayong 2016.
Kapansin-pansin na kabilang sa maraming dinagdagan ng budget ang P860.7 bilyon para sa imprastruktura. Tiyak na magiging “golden age of public infrastructure” ng bansa ang susunod na taon hanggang sa matapos ang administrasyong Duterte, ayon kay DBM Secretary Benjamin Diokno.
Inaasahan nating ang malaking bahagi ng budget na ito para sa imprastruktura ay ilalaan sa agrikultura na kailangan nang isailalim sa rehabilitasyon ang matagal nang napabayaang sistema ng irigasyon nito—isang malaking dahilan kung bakit hindi natin maging sapat ang sarili nating produksiyon ng bigas at kinakailangan pang umangkat ng daan-daan libong tonelada mula sa Vietnam at Thailand taun-taon.
Kailangan na nating isailalim sa rehabilitasyon ang ating mga dam o dagdagan ang mga ito upang ang ulan na madalas na bumuhos sa ating mga isla ay maiimbak natin para magamit sa irigasyon at sa mga gawain sa bahay, gayundin para sa produksiyon ng kuryente. Ang lahat ng tubig-ulan na ito na labis na nakapipinsala sa atin ay tunay na napakahalaga at malaking pakinabang kung alam lang natin kung paano natin ito magagamit nang wasto.
Ang 2017 national budget ay una lamang sa susunod na anim na taon ng administrasyong Duterte. Maaari na tayong magsimula ngayong taon sa mga pinakakinakailangang imprastruktura, gaya ng mga kalsada at tulay upang mapag-ugnay-ugnay ang marami pa ring nakahiwalay na bahagi ng ating bansa — at kalaunan ay maibsan ang trapiko sa ating mga siyudad; mga proyektong kokontrol sa baha upang maprotektahan ang mga urban area; at ang agarang pagkukumpuni sa mga sistema ng irigasyon. Ngunit sa mga susunod na national budget, inaasahan natin ang pagpapagawa sa mga reservoir na mag-iimbak sa ulan para magamit sa pagtatanim ng ating mga magsasaka.
Sa pagtatapos ng anim na taon ng administrasyong ito ay asahan natin ang isang ginintuang panahon, hindi lamang sa imprastruktura kundi maging sa pambansang kaunlaran.