RIO DE JANEIRO (AP) — Pinabagal nang pananakit sa kanang hita, nabigo si Marestella Torres-Sunang sa kampanyang makapasok sa finals ng women’s long jump nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

“Hindi ako maka-atake ng husto. Pinipigilan ko kasi kapag binibilisan ko ‘yung takbo ko, may sumasakit,” pahayag ni Torres-Sunang.

Pinakamalayo na ang 6.22 meter na natalon ng three-time Olympian sa kanyang unang attempt, malayo sa kanyang 6.72 na nagawa sa isang Olympic qualifying sa Kazakhtan nitong Hulyo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sapat lamang ang 6.22 meter para sa ika-14 na puwesto sa Group B.

Tulad ng kanyang kampanya sa London may apat na taon na ang nakalilipas, dismayado si Torres sa kanyang natalon. Sa nakalipas na SEA Games, nakuha niya ang ginto sa layong 6.71 meter.

Ayon kay Torres, nakaramdam siya ng pananakit matapos ang masamang bagsak sa warm-up.

“Dun ako na-shoot dun sa tinalunan nung sinundan ko. Sumakit ’yung hips ko,” aniya.

Iginiit ni Torres-Sunang na malaki ang tsansa niya na makapasok sa finals dahil ang huling finalist na si Jazmin Sawyers ng Britain ay nakatalon lamang ng 6.53-m.

“Sayang kasi kung makikita mo ’yung result talaga, kung makuha ko lang ’yung 6.40, 6.50, mababa rin halos lahat,” aniya.