Argentina, asam makaulit sa USA sa Olympic basketball.

RIO DE JANEIRO (AP) – Umuulit ang kasaysayan – paminsan-minsan.

Para sa Argentinian basketball team, isang malaking hamon na makaharap sa maagang pagkakataon ang liyamadong all-NBA star US Team.

Nakuha ng Argentina ang pagkakataon na makaharap ang top seed US Team sa knockout phase quarterfinal ng men’s basketball competition sa Rio Olympics matapos mabigo sa Spain, 82-90, nitong Lunes (Martes sa Manila) sa pagtatapos ng elimination round.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bunsod ng kabiguan, nahulog sa No.4 sa Group B ang Argentina at naisaayos ang quarterfinal match-up sa Group A No. 1 US. Winalis ng US ang limang laro sa elimination, ngunit pawang dikit ang laro ng all-NBA stars.

Ang Argentina, pinangungunahan ng apat na NBA player kabilang si three-time champion Manu Ginobili ng San Antonio Spurs, ang huling koponan na gumapi sa USA sa Olympic competition—sa semifinals ng 2004 Athens Games.

Nakamit ng Argentinian ang gintong medalya sa naturang edisyon.

Ito ang unang pagkakataon na nabigo ang Americans na makamit ang gintong medalya mula nang buksan ang kompetisyon sa NBA pro noong 1992.

Makakaharap naman ng Spain sa knockout phase ang European rival France sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Sa iba pang quarterfinal match-up, magtutuos ang Australia at Lithuania, habang magkakasubukan ang Croatia at Serbia sa tinaguriang ‘Balkan showdown’.

“I feel very fortunate to be here at 39 (years old). We’re going to try and play our best basketball possible, no matter who we play,” pahayag ni Ginobili.

Malakas ang suporta ng crowd sa Argentina kung kaya’t hindi inaalis ang posibilidad na makasilat ang koponan, higit at hindi nakapagpamalas ng dominasyon ang Americans sa kabuuan ng elimination round.

Tumapos ang Spain ng silver medal sa nakalipas na dalawang Olympics, ngunit nalagay sa alanganin ang kanilang kampanya matapos ang magkasunod na kabiguan. Nakabawi ang Spaniards nang maipanalo ang huling tatlong laro, kabilang ang tagumpay sa Argentinian.

“We have been through this situation before,” sambit ni Spanish coach Sergio Scariolo.

“We know how to play under pressure. We know what it takes to win.”