RIO DE JANEIRO (AP) — Luminga sa kaliwa’t kanan si David Rudisha ng Kenya sa pagaakalang may nakalapit sa kanya.
Walang nakahabol hanggang sa kanyang pagtawid sa finish line.
Napanatili ni Rudisha, may hawak ng world record, ang korona sa 800 meters nitong Lunes (Martes sa Manila) para tanghaling kauna-unahang atleta na nakapagwagi ng back-to-back sa naturang event sa Olympics.
Naitala ni Rudisha ang tyempong isang minuto at 42.15 segundo para gapiin si Taoufik Makhloufi ng Algeria, nakapagtala ng national record na 1:42.61. Nadagdag ang kanyang silver sa naunang gintong medalya na nakuha sa 1,500 event sa 2012 London Games.
Labis ang kasiyahan ni Rudisha bunsod ng katotohanan na naging masalimuot ang kanyang kampanya sa Diamond League at pumagatlo lamang sa Kenyan National trials.
Nakaukit na ang pangalan niya sa kasaysayan ng 800-meter event, ngunit pinatibay niya ang katayuan sa Rio. Sa edad na 27, napagwagihan na niya ang apat sa limang major tournament. Tanging ang world championship na lamang ang wala sa kanyang tagumpay.
“He wants to be the best, he is the best at it, he knows he’s the best,” pahayag ni American Boris Berian, tumapos sa ikawalong puwesto.
“It’s that confidence right there. He takes it out and he has that confidence to hold on.”
Si Richard Snell ng New Zealand ang huling nakapagtala ng back-to-back title sa Olympic 800 meters noong 1964 Tokyo Olympics.
Ilan sa pinakamahuhusay na 800 runner, kabilang si IAAF President Sebastian Coe, ay hindi nakatikim ng Olympic gold sa kanilang career. Ayon kay Coe, Olympic champion sa 1,500, si Rudisha ang isa sa pinakamatikas na runner sa naturang event sa kasaysayan ng Olympics.
Samantala, hindi swimming event ang nilahukan ni Shaunae Miller ng Bahamas, ngunit kinailangan niyang lumundag ng pasubsod para makamit ang gintong medalya sa women’s 400-meter.
Naungunsan niya sa tyempong 49.44 ang liyamadong si Allyson Felix ng US (49.51). Pangatlo si Shericka Jackson ng Jamaica sa 49.85.