CAMP RUPERTO KANGLEON, Palo, Leyte – Kinumpirma ng hepe ng Albuera Police na hawak na nito ang listahan ng payola o mga tumatanggap ng drug money protection mula sa umano’y pangunahing drug lord sa Eastern Visayas na si Rolando “Kerwin” Espinosa, Jr., at kabilang dito ang mga lokal na opisyal at mga opisyal ng Police Regional Office (PRO)-8.

Sinabi ni Chief Insp. Jovie Espinido, ng Albuera Police, na hawak na nila ang mga pangalan ng mga lokal na opisyal at opisyal ng pulisya na tumatanggap umano ng payola o drug protection money mula sa nakababatang Espinosa batay sa nasamsam nilang mga gamit na tseke mula sa bahay ni Kerwin at sa bahay ng ama nitong si Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.

Kaugnay nito, sinabi ni Espinido na nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa accountant at bookkeeper ni Kerwin na batid ang tungkol sa payola ng huli sa rehiyon.

Aniya, umaabot sa milyun-milyong piso ang drug protection money na ibinibigay ni Espinosa sa mga lokal na opisyal at mga opisyal ng PRO-8, habang ang isang karaniwang pulis ay tumatanggap naman ng P25,000 kada buwan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Bukod sa pera, sinabi ni Espinido na namahagi rin si Espinosa ng mga luxury vehicle sa nasabing mga opisyal, kabilang na, aniya, ang ilang lokal na opisyal sa Samar.

Inihahanda na ang iba’t ibang kasong kriminal na isasampa laban sa mag-amang Espinosa at sa iba pang sangkot sa ilegal na aktibidad ng grupo ng mga ito.

Nagbalik na sa Albuera ang alkalde ngunit inalisan na ito ng kontrol sa lokal na pulisya, bagamat patuloy na tinitiyak ni Espinido ang seguridad ng opisyal. (NESTOR L. ABREMATEA)