BATA pa ako ay mahilig na akong manood ng sine. Noong nasa kolehiyo ako, kami ng aking mga kaklase ay nagpupunta sa Cubao para manood ng sine sa halagang 60 sentimos. Pagkatapos ay kumakain kami sa aming paboritong restoran, gaya ng Ma Mon Luk at Chopsticks House.

Ang totoo, ganito rin ang aking hilig kahit nang nasa mataas na paaralan na ako. Madalas akong manood sa mga sinehan sa Avenida at Recto, gaya ng Ideal, Odeon at Galaxy.

Natatandaan ko na ang sinehang Mayfair ay sikat sa pagpapalabas nang doble. Ang mga paborito kong pelikula noon ay ang mga pinagbidahan nina Dolphy, FPJ, Vilma Santos, Nora Aunor, Rogelio dela Rosa, Chiquito at iba pa.

Binago ng modernisasyon at teknolohiya ang paraan ng panonood ng pelikula. Nang maimbento at mauso ang VCD at DVD, sinabi ng mga tao na wala nang manonood sa mga sinehan dahil maaari nang panoorin ng buong pamilya sa kanilang tahanan ang isang pelikula.

Ngayon, parang napakatagal nang lumipas ang VCD at DVD. Nagkaroon ng panibagong paraan ng panonood ng pelikula sa pamamagitan ng tinatawag na streaming devices gaya ng Netflix, Iflix, Hulu at iTunes. Paborito ko ang Netflix at iTunes ngunit hindi ako naniniwala na mawawala ang mga sinehan sa malapit na hinaharap.

Sa aking opinyon, hindi mapapalitan ng mga makabagong paraan sa panonood ng pelikula ang kakaibang karanasan ng panonood ng sine kasama ang pamilya o ang kabiyak ng dibdib.

Gaya ng binanggit ko sa isang nakaraang pitak, nakagawian na namin ni Cynthia na manood ng sine tuwing Linggo ng gabi.

Masaya ako na subaybayan ang mga oras at araw ng pagpapalabas ng pelikula, maging ang pagpila para bumili ng ticket.

Malaki na rin ang ipinagbago ng mga sinehan. Noong aking kabataan, kahoy ang mga upuan at walang air-condition sa mga sinehan; tanging malalaking bentilador ang pampalamig, na ang ingay ay nakikipagpaligsahan sa mga tunog na galing sa pelikula.

Ngayon, napakakumportableng manood ng sine na may pinakabagong teknolohiya. May mga sinehan na ang mga upuan ay maaaring unatin para maituwid ang mga tuhod ng nanonood. Maaari ring bumili ng pagkain sa labas at dadalhin sa iyo sa loob ng sinehan.

Dahil nga napakakumportable, maaari kang matulog kapag hindi mo nagustuhan ang palabas, gaya ng naranasan ko minsan.

Kung modernisasyon ang pag-uusapan, masasabi kong hindi nahuhuli ang aming sariling Vista Cinemas sa Evia Lifestyle Center sa Vista City, Daang Hari. Ang mga ito ay may MX4D Motion EFX Theater, na una at nag-iisa sa bansa. Ang mga upuan ay gumagalaw kasabay ang aksiyon sa pelikula, kaya kapag ang pinanonood mo ay ang pag-akyat ng isang kotse sa burol, mararamdaman mo ito sa iyong upuan.

Sa aking pananaw, maganda ang mga nangyayaring pagbabago. Dahil sa teknolohiya, mas nagiging masaya ang buhay.

Sa kabila nito, dapat manatili ang ugnayan natin sa ating mga minamahal. Masarap manood mag-isa ng “Game of Thrones” o “House of Cards” sa loob ng iyong silid, ngunit mainam na lumabas paminsan-minsan kasama ang pamilya, ang asawa o kasintahan para manood ng bagong pelikula sa isang sinehan.

Lalong nagiging maligaya ang panonood ng sine kung kasama ang mga minamahal. 

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sawww.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)