TIYAK na hindi lamang ako ang nabigla sa planong pagbebenta ng presidential yacht – ang BRP Ang Pangulo; at kung walang makabibili, ito ay gagawing floating hospital na maglalayag sa mga lugar na may mga labanan at kaguluhan sa bansa.

At sinasabing may plano ring ipagbili ang presidential jet – F-28; at kung walang ‘takers’ ay maaaring gawing flying hospital para naman sa dagliang pagsaklolo sa mga biktima ng engkuwentro at iba pang sakuna.

Sa aking kalahating dantaon sa larangan ng peryodismo, ngayon ko lamang narinig ang naturang mga plano hinggil sa pagbebenta ng maituturing na ‘crown jewels’ ng pamahalaan.

Ang BRP Ang Pangulo, halimbawa, ay ipinagkaloob ng Japanese government noong 1959 sa administrasyon ni Presidente Carlos P. Garcia. Ito ay bahagi ng Japanese reparations na sumasagisag sa pagkilala ng mga Hapon sa mga pinsalang nagawa nila noong World War II.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mula noon, ang naturang presidential yacht ay nagamit sa mga relief at emergency operations ng Philippine Navy. Sa maraming pagkakataon, ito ang nagiging reception venue ng nakalipas na mga Pangulo ng bansa para sa kani-kanilang mga panauhing opisyal at pribadong lider ng iba’t ibang bansa.

Maging ang presidential jet na F-28 ay bahagi rin ng mahahalagang misyon ng sinumang Pangulo. Ginagamit din ito sa mga biglaan subalit makabuluhang pagbibiyahe sa iba’t ibang panig ng kapuluan, at maging sa mga kalapit na bansa.

Natatandaan ko na minsan itong ginamit ni dating President Fidel Ramos sa kanyang opisyal na misyon sa Malaysia kaugnay ng paggunita at pagpapahalaga sa ating bayaning si Dr. Jose Rizal.

Hindi na niya kinailangang gumamit ng magastos na chartered plane para sa nabanggit na okasyon sapagkat ang naturang eroplano ay matatag din naman sa gayong paglalakbay.

Subalit walang kagatul-gatol ang pahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte:Ang nabanggit na mga sasakyang pandagat at panghimpapawid ay higit na makabubuting maging bahagi ng Philippine Medical Center o V. Luna General Hospital. Nais niya, tulad ng hinahangad nating lahat, na palakasin ang serbisyo ng mga ospital na malimit pagdalhan ng ating mga sugatang kawal na nakikidigma sa mga bandido at rebelde.

Katunayan, nais niyang madagdagan ang gusali ng nabanggit na pagamutan; dadagdagan din ng makabagong mga kasangkapan at iba pang kagamitan. Kaakibat ito ng pagkakaloob ng mga benepisyo para sa medical staff.

Anupa’t determinado ang Pangulo na isakripisyo ang tinaguriang ‘crown jewels’ para sa kapakinabangan ng mga mamamayan. (Celo Lagmay)