Inaprubahan ng mga kasaping alkalde ng Metro Manila Council, ang policy making body ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang isang resolusyon na naglilimita sa pagsasagawa ng fun run sa mga pangunahing lansangan partikular sa Roxas Boulevard.
Sa pahayag ni MMDA Chairman Emerson Carlos, sa naganap na pulong sa tanggapan ng MMDA, lahat ng 17-alkalde ay sumang-ayon na bigyan ng limitasyon ang pagpapahintulot sa fun run sa Roxas Boulevard matapos malamang ilan sa mga nag-oorganisa nito ay pinagkakakitaan lang ang aktibidad.
Sa tuwing may fun run isinasara ang malaking bahagi ng naturang kalsada kaya nagdudulot ito ng matinding trapik sa halip na magamit ito ng motorista.
Gayunman sa ilalim ng naturang resolusyon, maaari namang isagawa ang isang fun run sa araw ng Linggo at pinapayagan hanggang dalawang beses sa isang buwan.
Naglabas din ng panuntunan ang MMC na dapat malinis na ang kalsada sa mga runners o partisipante sa ganap na 7:00 ng umaga.
Noong Agosto 12, pinagtibay din ng MMC ang isang resolusyon na nagbabawal sa mga tricycle, pedicab, kuliglig, pushcarts at ng ambulant vendors sa main roads sa Metro Manila na kabilang sa mga sanhi ng pagsisikip ng daloy trapiko. (Bella Gamotea)