Nanatili si Philippine No. 1 Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna sa liderato matapos ang ikawalong round nang makipaghatian ng puntos kay WGM Nataliya Buksa ng Ukraine sa World Junior Chess Championships sa KIIT University sa Bhubaneswar, India.
Gamit ang puting piyesa, kumasa ang 19-anyos graduating Psychology Major student sa Far Eastern University sa alok na draw ng seeded No.12 na si Buksa (2261) matapos ang 83 moves ng Batsford Classical Variation.
Bunga ng draw ay nakatipon na si Frayna (2292) ng kabuuang 6½ mula sa posibleng walong puntos matapos itala ang tatlong draw at limang panalo para okupahan ang unang puwesto bunga ng mas mataas na tie-break points kontra sa pumapangalawa na si WIM Dinara Dordzhieva Dinara (2304) ng Russia mayroon din 6½ puntos.
Itinala naman ni WFM Shania Mae Mendoza (2191) ang kanyang ikatlong sunod na panalo upang itaas ang natipong puntos sa 4½ at makisalo sa tatlo kataong 5th group sa 19th hanngang 21st place. Binigo ng seeded No. 21 na si Mendoza ang nakatapat na seeded 33 na si G. Lasya (2084) ng India.
Nasa ika-26 puwesto naman si IM Bersamina Paulo (2402) na nakapagtipon ng kabuuang 4½ puwesto habang nasa ika-63 na puwesto si Paul Robert Evangelista (2020) sa boys division tungo sa pagpahinga ng torneo nitong Lunes at magbabalik ngayong hapon.
Asam ni Frayna na tuluyang masungkit ang kanyang ikatlo at huling norm para tanghaling pinakaunang babae sa bansa na nabigyan ng titulo bilang WGM.
Agad na maiuuwi ng magwawagi sa U20 (open/boys) ang GM title habang ang mananalo sa U20 ay gagawaran din agad ng mailap na WGM title.
Ang pilak at tanso sa dalawang kategorya na open/boys U20 at girls U20) ay magkakamit ng IM at WIM title.
(Angie Oredo)